1,132 total views
Huwag kalimutan ang mga maralita sa kapanganakan ng Panginoong Hesus Kristo.
Ito ang paalala ni Kej Andres – Pangulo ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ngayong kapaskuhan kung saan patuloy na nararanasan ng bawat isa ang kahirapang idinulot ng pandemya.
“Pag-alala at pag-unawa sa karanasan ng pamilya ni Hesus sa unang Pasko: na sila ay isang mahirap na pamilya sa laylayan ng imperyo at napagkaita ng matutuluyan at maayos na kalusugan. Nawa maalala natin na napakarami pa ring pamilya ang dumaranas sa kahirapan,kagutuman, kawalan ng access sa kalusugan at serbsiyo publiko,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Andres sa Radio Veritas.
Hamon ni Andres sa mga mamamayan ang pagpapaigting ng kanilang mga pamamaraan upang ipadama ang kalinga sa kapwa.
Paalala din ni Andres ang patuloy na pananalangin sa Panginoon para sa ikabubuti ng kalagayan ng bansa at makamit ang mga panawagan ng pagtataas ng natatanggap na suweldo ng mga manggagawa.
Batay sa datos ng Philippines Statistics Authority, noong 2021 ay umabot sa mahigit 20-milyong Pilipino ang kabilang sa pinakamahirap na sektor ng lipunan.
Habang ayon naman sa mga survey ng Social Weather Stations, 12.6-Pilipino naman noong 3rd quarter ng 2022 ang nagsasabing sila ay kabilang sa hanay ng mga mahihirap.