18,557 total views
Hinimok ni 1987 Constitutional Framer Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mga Pilipino na huwag kalimutan ang mga aral na dulot ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Ito ang pahayag ng Obispo sa paggunita ng ika-41 anibersaryo ng pagkamatay ng dating mambabatas at national hero ng bansa.
Ayon kay Bishop Bacani, mahalagang maging huwaran ng bawat isa ang dedikasyon at paninindigan ni Ninoy Aquino para isulong ang kapakanan, kalayaan, mga karapatan, at demokrasya ng bansa mula sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung saan naging laganap ang karahasan at mga paglabag sa karapatang pantao.
Kinilala din ng Obispo, ang pagiging isang tapat at tunay na lingkod bayan ni Ninoy Aquino na hindi kailanman nabahiran ng kurapsyon o katiwalian ang paglilingkod sa bayan.
“Huwag nating kalimutan ang turo ni Ninoy: ‘Better a meaningful death than a meaningless life.’ ‘D Filipino is worth dying for.’ Many charges were brought against Ninoy but never that he was corrupt. And you, would you rather live like Ninoy or like Ferdinand Marcos Sr.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. ay isang prominenteng lingkod bayan na kilala rin bilang isa sa mga pinuno ng oposisyon at isa sa mga unang inaresto matapos iproklama ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Batas Militar noong 1972.
Nakulong ang dating mambabatas sa loob ng pitong taon mula 1972 hanggang 1980 kung saan siya pinayagang lumipat sa Estados Unidos upang makapagpagamot, ika-21 ng Agosto taong 1983 ng pinaslang si Aquino ilang minuto matapos na lumapag ang kanyang eroplano sa noo’y Manila International Airport.
Ang pagkakapaslang kay Aquino ang isa sa naging ningas ng mapayapang 1986 EDSA People Power Revolution na nagbunsod sa muling pagbabalik ng demokrasya ng Pilipinas.(reyn)