422 total views
Pinangangambahan ng Federation of Free Farmers (FFF) ang pagkalugi at paghina ng kita ng mga magsasakang naninirahan sa mga lugar kung saan umiiral ang mahigpit na alert level 4 status.
Ayon kay FFF National Manager Raul Montemayor, sa pag-iral ng panuntunan sa Kalinga, Mountain Province, Ifugao at Hilagang Samar simula January 21 hanggang January 31 ay maaapektuhan ng patakaran ang deliveries ng mga produktong nanggagaling sa nasabing lalawigan.
Sa ilalim ng alert level 4, ipinagbabawal ang interzonal at intrazonal travel maliban na lamang kung matitiyak na “esensyal” ito.
Ayon pa kay Montemayor, maari ding humina ang pag-suplay at kita ng mga magsasaka maging sa sariling lalawigan dahil sa paglilimita sa mga establisyimento kung saan 10% lamang sa indoor capacity at hanggang 30% lamang para naman sa outdoor capacity.
“Posibleng may epekto ito sa mga gulay na nanggagaling sa Mountain Province, Ifugao and Kalinga kung higpitan nila lang pag-transport ng mga produkto. Hihina din ang kalakalan ng mga produkto ng mga magsasaka sa mga lugar na ito dahil halos isasara ang mga kainan at pati mga palengke. Pero, hindi naman sana tatagal ito ay makakabalik sa Level 3 or mas mababang antas sa maikling panahon,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Montemayor sa Radio Veritas.
Pangamba rin ng FFF na maapektuhan ng alert level 4 status ang pag-pasok at pagdating ng mga farm supplies kagaya ng fertilizer at kagamitan sa pagtatanim dahil sa mahigpit na pagbabawal sa anumang hindi esensyal na paglabas, pagpasok at paglalakbay ng mga mamamayan sa sasakyan sa apat na lalawigan.
Umaasa ang grupo na hindi pagbawalan ang mga magsasaka sa kanilang mga sariling taniman.
Una ng nanawagan ang Kaniyang Kabanalang Francisco sa bawat pinuno ng bansa na tiyakin ang sapat na suporta sa sektor ng agrikultura dahil sa patuloy nag pagtatrabaho ng mga manggagawang kabilang sa sektor sa kabila ng pananatili ng pandemya.
Habang naging panawagan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa pamahalaan na bigyang pansin at tulungan ang sektor ng agrikultura dahil ang sila ang pangunahing taga suplay ng pagkain sa buong bansa.