30,319 total views
Pinalalahan ng Simbahang Katolika ang mamamayan na huwag mag-aksaya ng pagkain at gumawa ng pagtulong sa mga nagugutom lalo na ngayong Panahon ng Kuwaresma.
Ito ang inihayag ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas 846 President Rev. Fr. Anton CT Pascual kaugnay sa suliranin ng Pilipinas sa mataas na bilang ng mga kabataang malnourished at mga pamilya na walang kakayanang kumain ng tatlong beses kada araw.
Kasabay ng paglulunsad ng grupong Scholars of Sustenance o SOS sa Pilipinas kung saan isa si Fr. Pascual sa mga pangunahing panauhin, sinabi nito na handa ang Simbahang Katolika na makipagtulungan sa gobyerno o iba’t-ibang grupo upang sugpuin sa suliranin sa pagkagutom.
“Alam natin nasa 30% ng mga bata ay malnourished, sila ay nasa 5 years old and below. [Dapat] mabigyan ng tugon ang kagutuman sa pamamagitan ng kawang-gawa ng iba’t-ibang sektor. Sa pamumuno ng gobyerno, nariyan ang Caritas Manila, nariyan din ang mga Corporate Foundation na pwedeng magtulong-tulong at maiwasan natin ang pagtatapon ng pagkain.” pahayag ni Fr. Pascual
Inihayag ng Pari na ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng kawang-gawa kung saan sa pamamagitan ng pag-aayuno o fasting ay maaring makatulong naman sa mga nagugutom.
“yung Almsgiving po ay isang napakagandang paraan ng pagbabalik loob sa Diyos at ibigay po natin ito sa mga Simbahan tulad ng Caritas Manila, na malikom ang inyong mga pondo o mga in kind [donations] at itulong po natin sa mga nagugutom at malnourished na mga bata sa panahong ito” paghihikayat ni Fr. Pascual.
Ipinaalala din ni Fr. Pascual ang naging pahayag ni Pope Francis laban sa ‘throw away culture’.
Magugunitang minsang sinabi ng Santo Papa na isang kahihiyan o pagmamalabis sa mga mahihirap ang pag-aaksaya ng pagkain sapagkat marami ang nagugutom at walang kakayanan na kumain ng sapat.
“Ang kagutuman at malnutrisyon ay hindi dapat nakikita sa isang sibilisadong bansa at sa isang Kristiyanong bansa tulad ng Pilipinas. kaya’t kailangan tayong magtulungan.”dagdag pa na paalala ni Fr. Pascual.
batay sa datos ng DOST- Food and Nutrition Research Institute, umaabot sa 1,717 metric tons ng pagkain ang nasasayang kada araw sa Pilipinas sa kabila ng aabot sa tatlong milyong mga Pilipino ang nakakaranas ng kagutuman o pagkain lamang ng isang beses kada araw.