11,038 total views
Nanawagan si 1987 Constitutional framer, Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. sa mamamayan para sa patuloy na pagbabantay at pananagutan, lalo na ang mga may katungkulan sa pamahalaan.
Ayon kay Bishop Bacani, hindi dapat isantabi ng publiko at mga namumuno na ang pagkakaroon ng kapangyarihan ay paglilingkod at hindi para maging amo ng taumbayan.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa paggunita sa ika-52 anibersaryo ng pagde-deklara ng Martial Law o batas militar sa Pilipinas sa ilalim ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ang ama ng kasalukuyang pangulo ng bansa na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Huwag kailanman kalimutan ng mga mamamayan at namumuno na ang mga may hawak ng kapangyarihan ay lingkod at hindi amo ng bayan. Ang public office ay public trust at dapat managot ang mga public officials sa kanilang pagkilos,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Nagbabala din si Bishop Bacani sa mamamayan na huwag ibaon sa limot ang madilim na bahagi ng Batas Militar, kung saan nilapastangan ang karapatang pantao.
“Napakadilim na bahagi ng Martial Law ang paniniil sa karapatang pantao upang hindi makapagpahayag ng kanilang opinion tungkol sa mga namumuno. Umabot sa torture at pagpatay,” ayon kay Bishop Bacani.
September 21, 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimen ni dating Pangulong Marcos Sr., kung saan sa loob ng 14 na taon, samu’t saring pang-aabuso sa karapatang pantao ang naranasan ng mga Filipino.
Batay sa tala ng Amnesty International, 70-libong katao ang nakulong dahil sa paglaban sa pamahalaan, 34-libo ang pinahirapan, habang mahigit tatlong libo naman ang biktima ng extrajudicial killings.
Nagwakas naman ang Batas Militar sa pamamagitan ng mapayapang People Power Revolution noong taong 1986.