305 total views
Kapanalig, sa ating bansa, pakiramdam natin halos lahat naman tayo ay connected na sa internet, hindi ba? Tinatayang 83% ng mga Filipino ay internet users na. Pero tayo bang lahat ay may tunay na access sa teknolohiya?
Ang access sa teknolohiya ay hindi lamang access sa facebook, kapanalig. Ito ay access sa mga digital services na nagtataas ng kalidad ng ating buhay. Kumbaga, hindi lamang chismis o balita ang nakakarating sa atin, kundi serbisyo at productivity.
Kung susuriin natin, kapanalig, ang pag-gamit natin sa internet ay mas matagal pagdating sa social media. May mga pag-aaral na nagsasabi na ang Pilipinas ang number one social media users sa buong mundo. Kaya nga kahit maliit tayo na bansa, maraming mga foreign stars ang naglulunsad ng mga proyekto dito. Ang layo at dami kasi ng inaabot ng ating mga social media posts.
Ang oras sana kapanalig, na ating ginugugol sa social media ay maaari nating magugol sa iba pang aspeto ng internet. Maari rin nating lawakan pa ang pag-unawa sa teknolohiya kapanalig. Maari rin nating tingnan ang aspeto ng digitalization ng mga serbisyong pang-gobyerno, na isa sa mga produktibong pag-gamit ng teknolohiya. Maari rin nating mas tingnan pa ang gamit ng teknolohiya para sa pag-iibayo pa ng ating mga kasanayan at kaalaman.
Ang access sa teknolohiya sa Pilipinas ay isang mahalagang aspeto ng ating lipunan na patuloy na nagbabago at lumalawak. At huwag sana nating isipin na ito ay ukol lamang sa imprastraktura. Sakop din nito ang kamalayan sa tamang pag-gamit ng mga available na serbisyo. Sa pag-unlad ng teknolohiya, kailangan marunong din tayong mag-grab ng mga oportunidad na binibigay nito, at hindi lamang tayo dapat nakababad sa facebook o youtube.
Ang kakayahan at kaalaman sa paggamit ng teknolohiya ay hindi lamang dapat hanggang libangan. Bagamat marami ang may access sa mga gadget at internet, hindi lahat ay may sapat na kaalaman at kasanayan sa paggamit nito. Ito ay nagiging hadlang sa pag-unlad ng digital literacy ng mga Pilipino, na mahalaga para sa mga oportunidad sa trabaho at edukasyon.
Upang matiyak natin na na-mamaximize natin ang teknolohiya sa ating bansa, mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at mga organisasyon. Dapat magkaroon ng mga programa at proyekto na naglalayong mapalawak ang connectivity at teknolohiya sa mga lugar na nangangailangan. Bukod dito, mahalaga rin ang pagtuturo at pagpapalaganap ng digital literacy sa mga komunidad. Kapanalig, ito ay panlipunang katarungan. Hindi natin dapat hinahayaang malugmok ang lipunan sa kakulangan sa kaalaman o kamalayan. Ayon nga sa Economic Justice for all, “Social justice implies that persons have an obligation to be active and productive participants in the life of society and that society has a duty to enable them to participate in this way.”
Sumainyo ang Katotohanan.