769 total views
Mga Kapanalig, napakalaki ng kontribusyon ng ating mga mangingisda at magsasaka sa pagkakaroon natin ng pagkain sa araw-araw. Hindi man nakikita ng marami, lalo na ng mga nasa siyudad, hindi biro ang pinagdaraanan nilang hirap upang magkaroon ng masaganang ani at huling lamang-dagat. Sa tagal ng panahong iginugugol nila sa pagsasaka at pangingisda, paniguradong marami sa kanila ang maalam na sa iba’t ibang estratehiyang magpapayaman ng kanilang ani at huli. Kaya tama bang sabihing wala silang alam?
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado para sa panukalang badyet ng Department of Agriculture (o DA) para sa taong 2023, sinabi ni Senadora Cynthia Villar na huwag daw asahan ang mga mangingisda at magsasaka sa pagtugon sa climate change. Wala raw silang alam tungkol dito at hindi raw nila ito naiintindihan. Ayon sa senadora, gawain na raw ng DA na bumuo at magpatupad ng mga programang tutugon sa climate change. Sinabi ito ng senadora habang tinatalakay ng isang opisyal ng DA ang epekto ng climate change sa agrikultura at ang mga programa nito upang tulungan ang mga magsasaka at mangingisda.
Isang halimbawa si Roberto “Ka Dodoy” Ballon ng isang mangingisdang may malaking kontribusyon sa agrikultura. Kilala siyang nanguna sa kanilang komunidad sa Zamboanga Sibugay upang tulungan ang mga kapwa niyang maliit na mangingisda na mapanumbalik ng kanilang mangrove forest o bakawan at iba pang yamang-dagat para sa kanilang kabuhayan. Dahil sa kanyang dedikasyon at pagsisikap na muling buhayin ang kanilang pangisdaan at tulungang iangat ang kabuhayan ng mga kasama niyang mangingisda, ginawaran siya ng prestihiyosong Ramon Magsaysay Award noong 2021. Isa lamang si Ka Dodoy sa mga mangingisda at magsasakang malaki ang kontribusyon sa pagpapaunlad ng agrikultura at sa mga patuloy na nagpapayabong ng kanilang kaalaman upang itaguyod ang sektor.
Gayunpaman, sa kabila ng kanilang natatanging kontribusyon sa lipunan, nananatili pa rin silang “poorest of the poor”. At marami ang dahilan. Lantad sila sa epekto ng climate change katulad ng malalakas na bagyo at matinding tagtuyot. Talamak din ang mga negosyong ginagawang malls o kaya’y subdivision ang mga lupang sakahan. Napakamahal na rin ng pataba, pesticides, feeds, at iba pang agricultural inputs sa pagsasaka at pangingisda. Higit sa lahat, kulang na kulang din ang suportang naibibigay ng gobyerno. Noong Hunyo, halimbawa, inamin ng DA na 10% o 1.5 milyon lang sa 11 milyong mangingisda at magsasaka ang napaabutan nito ng ayuda. Ilan lamang ang mga ito sa mga dahilan kung bakit nananatiling mahirap ang buhay ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi dahil sa wala silang alam.
Taliwas sa pahayag ni Senadora Villar, hindi lang dapat DA ang tutugon sa climate change. Kabalikat dapat ng pamahalaan ang mga mangingisda at magsasaka sa anumang programa at proyekto nito. Gaya ng mensahe sa Caritas in Veritate, dapat ay mayroong direktang pakikilahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran ang mga taong makikinabang sa mga ito. Hindi maaaring isantabi ng pamahalaan ang kaalaman ng mga mangingisda at magsasaka dahil may kakayahan din silang palaguin ang sarili nilang kabuhayan. Bilang mga lingkod-bayan, isapuso nawa ng ating mga lider ang nasasaad sa Mga Kawikaan 31:8 na “ipagtanggol ang mga ‘di makalaban at ipaglaban ang kanilang karapatan.”
Mga Kapanalig, dapat itrato ng mga taong-gobyerno ang ating mga magsasaka at mangingisda nang may paggalang. Maling sabihing wala silang alam dahil sila ang babád sa sakahan at sa dagat. Dahil din talî ang kanilang kabuhayan sa kalikasan, sila ang unang nakararanas ng mga epekto ng pagbabago ng klima. Sa pagkakataong naghihikahos ang mga magsasaka at mangingisda at lantad sila sa mga panganib na dala ng climate change, tulong ang kailangan nila, hindi pangmamaliit.