176 total views
Lumabas tayo at makisangkot sa buhay ng ating mga kababayan.
Ito ang hamon ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, hindi lamang sa mga Pari kundi maging sa mga Relihiyoso at Relihiyosa, mga nagtalaga ng buhay at mga layko matapos ang paglulunsad ng proyektong Catholics in Manila noong unang araw ng Oktubre.
Ipinaliwanag ng Obispo na layunin ng “Catholics in Manila” na maipakita sa mga tao ang mukha ng Simbahang Katoliko na nakikipanayam sa mga Ordinaryong tao, lalung-lalo na sa mga nasa laylayan o mga dukha.
Sa ilalim nito lumilikha ng mga dokumentaryo ang Veritas Social Media na tampok ang iba’t-ibang gawain ng Simbahan at mga ordinaryong mananampalataya.
Sa paglulunsad ng proyekto, ipinakita sa Sambayanan ang gawain ng Diyosesis ng Kalookan na pagtatatag ng iba’t-ibang mga mission stations sa pinakamahihirap na lugar na nasasakupan nito.
Ang maliliit na espasyo, mga kuwarto at mga bodega ay nagsisilbing mga kapilya kung saan maaring magtipon ang munting pamayanan upang idaos ang mga banal na liturhiya gaya ng Misa, pag-aaral ng bibliya at feeding program.
Ang mga Mission Stations ay pinangangasiwaan ng iba’t-ibang Kongregasyon ng mga Relihiyoso at Relihiyosa.
Dito ipinakikita kung paanong binabago ng Simbahan ang tradisyunal na porma nito tungo sa isang anyo na kaisa ang mga dukha.
Naniniwala din si Bishop David na ang pagtatayo ng mga mission stations ay hindi kinakailangang dalhin sa malalayong lugar dahil mismong sa komunidad na ating kinabibilangan ay may mga mahihirap o mga nasa laylayan ng lipunan na napabibilang din sa laylayan ng Simbahan na kinakailangan abutin.
“Para sa’kin ang Mission Station, hindi naman yung malayong malayo, dati pag sinabing Mission Station kailangang pumunta ng Timbuktu ng India. No, they are just around you, parang yung madalas banggitin natin na mga taong nasa laylayan ng lipunan, nasa laylayan din pala sila ng Simbahan, hindi natin inaabot. Ang salita ng Diyos maraming hindi na aabot, pero pwedeng tayo ang mamagitan.” Pahayag ni Bishop David sa Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan labindalawang Mission Stations na ang naitayo ng Diocese of Kalookan.
Umaasa si Bishop David na sa tulong ng iba pang mananampalataya ay maaabot ng Diyosesis ang kanilang layunin na makapagtayo ng 25 mission stations sa loob ng dalawang taon.
Catholics of Manila – Presents: Mission Station
Catholics of Manila
“Si Hesus sa laylayan ng lipunan”
Mission StationPosted by Veritas846.ph on Monday, 1 October 2018