408 total views
Ito ang tagubilin ni Camillian priest Father Dan Cancino sa mga patuloy na nakakaranas ng depresyon dulot ng iba’t ibang krisis na nangyayari sa kapaligiran.
Ayon kay Fr. Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care, karamihan sa mga nakakaranas ng depression at anxiety ay nahihirapan pa ring ibahagi ang kanilang mga nararamdaman dahil sa takot na mahusgahan ng lipunan.
Ipinaliwanag ng pari na ito’y dahil ang tingin pa rin ng lahat sa usapin ng mental health ay karaniwan lamang na problemang madaling matugunan.
“Itong mental health issues natin ay punung-puno ng stigma. Marami ang hindi out o kaya’y ayaw magsabi ng kanilang pangangailangan dahil may nakakabit na stigma,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa pagsusuri ng World Health Organization, tumaas ng 25 porsyento ang paglaganap ng depression at anxiety sa buong mundo sa unang taon pa lamang ng pandemya.
Ang pagiging mag-isa, takot na mahawaan ng virus, kalungkutan dahil sa pagkawala ng mga mahal sa buhay, at ang kawalan ng hanapbuhay at pagkakakitaan ang mga dahilan ng lubusang pagkabalisa ng mga tao.
Hinikayat naman ni Fr. Cancino ang bawat isa na pakinggan at damayan ang mga humaharap sa mabibigat na pagsubok ng buhay nang sa gayon ay matulungang malinawan ang isipan at gumaan ang pakiramdam.
“Nawa lahat tayo sana ay magkaroon ng isang buhay na nakikinig. A listening life. Nakikinig hindi lang sa sarili pero pakinggan natin ang ating mga kapatid, mga kapanalig na may pinagdadaanan,” ayon sa pari.
Sinabi pa ng pari na ang simbahan ay palaging nakahanda at bukas upang pakinggan ang mga saloobin ng mga taong lubos na naghihirap dulot ng iba’t ibang isipin at pasanin sa buhay.
“Sa ating mga kapanalig na dumadaan sa isang mahirap na sitwasyon, karanasan ng buhay, ‘yung mga nade-depress, anxious, disappointed, kailangan ng kausap, ang ating simbahan po ay open. Makipag-ugnayan po kayo sa mga tao na nakikita n’yong makakatulong sa inyo,” saad ni Fr. Cancino.
Para sa mga nakakaranas ng mental health crisis, maaaring makipag-ugnayan sa National Center for Mental Health sa landline sa mga numerong 1553 o sa pamamagitan ng mobile sa 0917-899-8727 at 0966-351-4518 para sa Globe at TM subscribers, at 0908-639-2672 para naman sa mga Smart at TNT subscribers.