266 total views
Ito ang hamon ni Bangued Bishop Leopoldo Jaucian sa bawat kabataan kasabay ng paglunsad sa Taon ng mga Kabataan.
Ayon sa Obispo na tagapamuno ng Komisyon ng Kabataan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, bilang malaking gampanin ng mga kabataan sa pakikiisa sa pagtatanggol ng pananampalatayang Katoliko.
“Huwag tayong matakot dapat tayo ay tumayo, ipaglaban at isabuhay natin ang ating pananampalataya, so we stand for our faith and that will be the greatest witness na anumang mangyari ay hindi tayo papaapekto, hindi tayo matatalo sa anumang batikos sa atin,” bahagi ng pahayag ni Bishop Jaucian sa Radio Veritas.
Dahil dito, dapat aniyang malaman ng mga kabataan na sila ay iniibig ng Diyos at ng Inang Simbahan at higit na mauunawaan na sila ay isinugo ng Panginoon sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng Simbahang Katolika lalo na sa Pilipinas.
Hinimok pa ng Obispo ang mga kabataan na magtiwala sa dakilang pag-ibig ng Diyos na nagpapasigla at nagbibigay lakas sa bawat mananampalataya.
“In God’s love no one can separate us and no one can really hinder us from living our faith,” ani ng Obispo.
Hinikayat pa ni Bishop Jaucian ang mga kabataan na sama-samang tupdin ang tawag at misyon ng Simbahan na hanapin at lingapin ang mga nalilihis ang landas at humihinang pananampalataya bilang pagtalima sa tema ng Year of the Youth na “Filipino youth in mission: Beloved, Gifted, Empowered”.
Kaugnay dito pormal na inilunsad ang Year of the Youth sa Diyosesis ng Balanga sa Bataan kasabay ng pagtatapos sa ika – 9 na Central Luzon Youth Pilgrimage 2018 na dinaluhan ng halos 3, 000 mga kabataan sa ika – 2 ng Disyembre ang unang Linggo ng Adbiyento at pagsisimula sa panibagong taon sa liturhikal na kalendaryo ng Simbahang Katolika.
Sa isang mensahe ng Kaniyang Kabanalan Francisco hinimok nito ang mga kabataan na maging aktibong kasapi ng Simbahan at maging katuwang sa pagpapalaganap ng mga Salita ng Diyos.