11,483 total views
Ipinarating ni Father Ilde Dimaano sa mamamayan na huwag matakot sa paggamit ng makabagong teknolohiya higit na ng Artificial Intellegence (AI).
Ito ang mensahe ng Pari na siya ring Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications sa pagpapatuloy ng National Catholic Social Communications Convention (NCSCC).
Ayon kay Fr.Dimaano, ito ay dahil mayroong mga wasto o ligtas na paggamit sa AI na tiyak makakatulong sa pang araw-araw na pamumuhay higit na ng pananampalataya.
“Napakaganda pong pagkakataon nito dahil ito ho ay isang pagkakataon na makita ng ating mga participants na hindi natin dapat katakutan ang AI, at dapat ding makita natin na napakaganda po ng mensahe ng ating Santo Papa noong 58th World Day of Communications, message niya, sabi niya, oo nga’t meron itong mga teknolohiyang ito, pero it should not tyrannize us, hindi ito dapat magpa-alipin sa atin, kaya’t dapat maging ‘listo tayo,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Dimaano.
Paalala pa ng Pari na kailanman ay huwag magpaalipin sa anumang teknolohiya kung saan dapat gamitin lamang itong kasangkapan o pamamagitan tungo sa pag-unlad.
Ito ay upang mabisang magamit ang mga makabagong teknolohiya sa pagpapalalim ng kaalaman ng mga Catholic Communicators tungo sa pagpapalaganap ng pananampalataya ng Diyos.
“Ito po ay hindi dapat magaalipin sa atin, at hindi dapat natin katakutan. Tayo pa rin ang dapat na manguna rito kaya dapat intindihin natin kung paanong gagamitin itong AI lalo’t higit sa efforts ng evangelization.” Ayon pa sa panayam ng Radio Veritas.
Sa tala ng CBCP-ECSC na tagapangasiwa ng gawain, 250 Social Communications Ministry personnel at Catholic media Communicators na mula sa 58 Diyosesis at anim na organisasyon ang kahalahok sa unang NCSC.