2,176 total views
Hinimok ng opisyal ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma ang mananampalataya na ipagpatuloy ang gawaing pagmimisyon ng mga apostol ni Hesus.
Ayon kay PCF Rector Fr. Gregory Ramon Gaston, tulad ng mga halimbawa nina Apostol San Pedro at San Pablo nawa’y maging masigasig ang bawat binyagang ipakilala si Hesus sa pamayanang kinabibilangan.
“Sana kagaya nina San Pedro, San Pablo at iba pang mga Apostles ay patuloy tayo sa misyon na ibigay at ipalaganap ang mensahe ni Hesus sa lipunan,” pahayag ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Umaasa ang Pari na maging halimbawa ang pagbabago ni San Pablo mula sa pagiging makasalanan at naging tagapagpahayag at nagpapakilala kay Hesus sa lahat ng dako ng daigdig lalo na sa mga pamayanang hindi nakakakikilala sa Panginoon.
Ikinalungkot ng pari ang pananahimik ng mananampalataya dahil sa maaring kulang sa kaalaman sa katesismo ng simbahan, kawalang interes sa misyon at ang pagiging takot na walang makikinig sa mga ipinahahayag tungkol kay Hesus.
Tinuran ni Fr. Gaston na maraming paraang maibahagi si Hesus sa kapwa tulad ng pagbabahagi sa mga kawanggawa ng simbahan, mga katolikong eskwelahan at institusyon gayundin ang mga gawain ng bawat parokya tulad ng feeding program, pabahay, edukasyon at pagkalinga sa mga inabandona.
“Napakaraming ginagawa ng ating simbahan na minsan nababalewala, nakakalimutan at inaatake tulad sa karanasan ng mga apostol, kaya patuloy nating ipakita at ipakilala sa lipunan ang mga gawaing ito,” ani Fr. Gaston.
Paalala ng opisyal na sa bawat ginagawa na kasama si Hesus ay makatutulong ito sa isang taong magbalik loob at magkaroon ng interes sa Panginoon sa pamamagitan ng mga halimbawang ipakikita.
Tuwing June 29 ay ipinagdiriwang ng simbahang katolika ang Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo ang dalawang apostol na nagtaguyod sa simbahang itinatag ni Kristo para mangalaga sa kawan ng Panginoon sa sanlibutan.