220 total views
Dapat maging handa ang bawat mananampalataya na pumasok at lumabas sa bawat pintuan ng ating buhay upang mas maunawaan ang kahulugan ng buhay para makatagpo si Hesus.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, magkakaroon lamang ng paglago ang ating buhay at pananampalataya kung bukas tayo at hindi naduduwag magbukas ng pinto o pumasok sa pintuan ng kapwa.
Inihalimbawa ng Cardinal ang mga magulang at matatanda na nararapat na matutunann na ibukas ang pintuan sa bawat isa upang magkaunawaan at makita ang kabutihan ng Diyos.
Tinukoy ni Cardinal Tagle ang mga kabataan ng naghahanda ng integridad at kumukuha ng mabuting halimbawa mula sa matatanda.
Nilinaw ng Kardinal na ang mga matatanda ay hindi dapat maging sarado ang kaisipan at pakikitungo sa mga kabataan dahil lamang sa kanilang pagmamalaki na mas nauna sila at mas may alam.
“Itong gate ng mundo ng kabataan ano ho handa ba tayong sumilip at pumasok? Sapat ba na sasabihin na lang natin na ibang mundo na ‘yan at tayo’y mananatili dito sa ating mundo?”pahayag ni Cardinal Tagle.
Mensahe ni Cardinal Tagle tulad ng pintuan ng Simbahan na nag-uugnay sa langit at sa lupa, sa mga pintuang maluluwang at maliliit na mahirap pasukin ay makikita natin ang awa at habag ng Diyos.
“Ang saradong pinto ay maari ka ring maipit. Sabi nga po nila ang pintuan ng simbahan ay punong-puno ng panganib, punong-puno rin ng biyaya, doon sa pintuan nagtatagpo ang diyos at ang sangkatauhan, sa pintuan ng simbahan nagtatagpo ang langit at ang mundo. Nasa gawaing banal ka ba o nasa gawaing makamundo?”pagninilay ni Cardinal Tagle.
Ngayong 2016, sa pagdiriwang ng Year of Mercy ng Universal Church ay hinihimok ang lahat na maging maawain at mahabagin tulad ng ama sa langit.