333 total views
March 25, 2020, 2:04PM
Patuloy ang panawagan ng Philippine National Police (PNP) sa mamamayan na makiisa sa ipinapatupad na pag-iingat ng pamahalaan upang masugpo ang pagkalat ng pandemic Corona Virus disease.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Lt. General Guillermo Eleazar, deputy Director for Operations ng PNP, ito ay upang magkaroon ng kabuluhan ang lahat ng sakripisyo ng bawat isa tulad ng pagtitiis na hindi lumabas ng bahay.
“Kanya-kanya itong responsibilidad. Dapat hindi na paalalahanan or else we defeat the purpose of the quarantine,” ayon pa kay Eleazar.
Ayon sa opisyal, masasayang lamang ang ipinatutupad na paghihigpit kung hindi susunod ang sa panuntunan tulad ng social distancing, paglusot sa mga curfew, at mga checkpoints ng pulisya.
“Tayong lahat ay dumaraan sa mahirap na sakripisyo.Ang sakripisyo sana natin ay huwag masayang. Magtulungan po tayo, dahil ang sinasabi ko napakasayang. We need your cooperation to succeed na mapigil ang pagkalat ng virus,” ayon pa kay Eleazar.
Nilinaw ni Eleazar na sa umiiral na Luzonwide Quarantine ay 24-oras dapat nasa loob ng bahay ang mga tao maliban na lamang sa ilang mga exempted na lumabas.
Nagpapasalamat naman si Eleazar na malaki na ang nagbago sa pagsunod ng publiko sa mga panuntunan sa ika-8 araw nang pagpapatupad ng enhanced community quarantine.