2,504 total views
Alalahanin ang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan sa anumang pagsubok na haharapin sa buhay.
Ito ang mensahe ni Father Edwin Tirado – Kura Paroko ng Santo Domingo Parish sa Baranggay Janosa Talim Island Binangonan Rizal para sa naiwang pamilya ng mga nasawi sa pagtaob ng Motorboat Princess Aya sa Laguna Lake.
Ayon sa Pari, nawa ay hindi rin mawalan ng pag-asa ang mga naiwang pamilya at higit na paigtingin ang kanilang pananampalataya.
“Pero ako ay naniniwala na sa takdang panahon ay magkakaroon ng kaliwanagan ang lahat so hayaan muna natin na tayo ay magluksa, magdalamhati, naniniwala ako na magkakaroon ng bagong pagasa ang ating buhay.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Tirado.
Sa Parokya din ng Santo Domingo idadaos ang misa para sa kaluluwa ng mga nasawi na nagsimula noong July 31 at magtatagal hanggang August 03.
Nagpapasalamat din ni Binangonan Mayor Cesar Ynares sa mga nagpadala at magpapadala pa ng tulong sa pamilya ng mga nasawi sa paglubog ng motorboat banca.
“Patuloy kami, hindi titigil ang LGU, katunayan marami ding mga senador ang mga nagpahayag ng tulong at tumatawag sa amin at nagpapasalamat ako katulad ng inyong samahan ng Veritas.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Ynares.
Tiniyak naman ng Binangonan LGU at Philippine Coastguard ang masusing imbestigasyon sa insidente upang mapanagot ang mayroong mga kasalanan sa pagkasawi ng kababaihan, bata at breadwinner na biktima ng insidente.