215 total views
Huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng karamdaman.
Ito ang paalala ni Father Manuel Abogado, head ng Archdiocese of Manila-Ministry on Health Care, sa paggunita sa National AIDS Sunday sa unang araw ng Disyembre.
Ayon sa pari, kasabay ang unang linggo ng adbiyento, ipinahayag ng mga salita ng Diyos na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang tao dahil ipinangako ng Panginoon ang pagdating ng manunubos.
Ipinaliwanag ni Fr. Abogado na maging ang mga may sakit na HIV-AIDS ay mayroon pang pag-asa, kinakailangan lamang na talikdan nito ang mga dating gawain na naging dahilan ng pagkakaroon ng karamdaman.
“Ngayon ay unang linggo sa panahon ng adbiyento at ang unang kandila na sinindihan ay sumisimbulo sa pag-asa, hindi porket maysakit ang isang tao wala nang pag-asa pa. Ipanalangin natin na makatawid tayo to be able to pass over from sin to salvation, from death to life, from sickness to health… Hindi mawalan ng pag-asa sa mga may sakit, kung susundin lamang yung therapy at magiging maayos na babaguhin yung lifestyle hindi na magiging tulad ng dati, mayroong pag-asa.” Pahayag ni Father Abodago.
Samantala pinaalalahanan din ng pari ang mga kabataan na ingatan at panatilihin ang moral na pamumuhay.
Aniya, dahil sa kapusukan ng mga kabataan at pagnanais na makatuklas ng mga bagay-bagay ay malaking porsyento ng nagkakaroon ng sakit na HIV-AIDS ay mula sa edad 15 hanggang 34.
“Malaking apektado talaga yung mga youth 15 to 34 years old kung tutuusin at kailangan talagang magsumikap na mag-abstain maging faithful lalong lalo na sa ating pananampalatayang katoliko, kung hindi man katoliko yung relasyon sa Diyos. Magsumikap na magtimpi, magtiis, huwag basta-basta magpadala sa pita ng laman.” Dagdag pa ng Pari.
Sa tala ng United Nations Program on HIV and AIDS mayroong umaabot sa 77-libong mamayan o tinatawag na People Living with HIV sa Pilipinas, subalit mahigit 62-libo lamang sa mga ito ang naiulat at na-diagnose.
Nagpaalala din ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care, na pastoral accompaniment ang kinakailangan upang mapangalagaan ang mga taong mayroong HIV-AIDS at maalis ang stigma o masamang pagtingin sa mga ito.
Read: Pastoral accompaniment sa People with HIV/AIDS, pinaiigting ng Simbahan