1,448 total views
Nanawagan ang Haribon Foundation sa mga turista na huwag mag-iwan ng maraming plastic sa karagatan, kasabay ng pagdiriwang ng Month of the Ocean ngayong Mayo.
Ayon kay Ditto Dela Rosa – Marine Biologist ng grupo, pinapatay ng mga tambak na plastic ang buhay sa karagatan tulad ng mga hayop at halaman sa ilalim ng dagat.
Dagdag pa nito, sa pag-aaral ng kanilang grupo sa limang karagatan sa Pilipinas, unti-unti nang nawawala ang ilang mga uri ng isda na matatagpuan sa bansa, at nababawasan na rin ang karaniwang dami ng huli ng mga mangingisda.
“Kung maaari bawasan natin yung paggamit ng plastic, at magdala ng sariling lalagyan o inuman, tapos yung pagtatapon ng iba’t ibang klase ng basura hindi dapat mapariwara, matuto din mag-segregate. Tapos halimbawa, sa mga isla magdadala tayo ng gamit, kailangan kung ano yung dinala mo kukunin mo rin.” Panawagan ni dela Rosa sa programang Barangay Simbayanan.
Ngayong buwan ng Mayo ipinagdiriwang ang Month of the Ocean sa ilalim ng Presidential Proclamation 57 na inilabas ng pamahalaan noong 1999.
Layunin nito na mapaigting ang pangangalaga sa yamang dagat ng Pilipinas tulad ng mga Coral Reefs at endemic na uri ng mga isda.
Matatandaang idineklara ng United Nations ang Pilipinas bilang Center of the Marine Biodiversity dahil sa dami ng matatagpuang iba’t-ibang uri ng isda.
Unang nanawagan si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa mamamayan na isapuso ang iniatas na tungkulin ng Diyos sa tao bilang tagapangalaga ng sanilikha.