186 total views
Mga Kapanalig, wika nga sa aklat ng Mga Kawikaan 12:17, “Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan, ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan.”
Ang nagpapatuloy na krisis sa ating bansa ay hindi lamang dulot ng isang virus na nagdadala ng sakit, kundi ng mga hakbang na ginagawa ng mga taong may tungkuling pangasiwaan ang epekto nito. Sa madaling salita, kung naging maagap ang ating pamahalaan noong nagsimula ang pandemya, hindi tayo aabot sa ganitong kalagayan. Kung naging akma ang mga ginawang tugon ng pamahalaan—katulad ng agresibong contact tracing at mass testing, at sapat na ayuda sa mga nawalan ng hanapbuhay—hindi paulit-ulit ang mga community quarantine.
At ngayong dumarami na ang mga bansang binabakunahan ang kani-kanilang mamamayan, hindi rin natin maiwasang ikumpara ang ginagawa ng ating pamahalaan. Ngunit dapat na nakabatay ang pagkukumparang ito sa malinaw na ebidensya at sa mga totoong datos dahil ang mga ito ang makapagtuturo sa atin tungo sa katotohanan. Halimbawa, kung pag-uusapan ang dami ng doses ng naibakuna na sa mga tao, lumalabas na pumapangatlo nga tayo sa ASEAN, kasunod ng Indonesia at Singapore. Totoo ito, ngunit hindi sapat upang sabihing mahusay ang ating ginagawa. Naungusan man natin ang Brunei at Vietnam, tandaan nating napakakaunti lamang ng mga active COVID-19 cases sa mga bansang iyon. Hindi ito nangangahulugang nasa tama tayong direksyon patungo sa tinatawag nating herd iummunity, kung saan mas nakararami ang mga taong may sapat nang proteksyon laban sa isang sakit katulad ng COVID-19. Ang datos na makapagsasabi nito ay ang porsyento ng populasyong nakatanggap na ng bakuna.
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, halos 240,000 na mga Pilipino na ang nabakunahan o 0.22% lamang ng ating 108 milyong populasyon. Sinasabing makakamit natin ang herd immunity kung 70 milyong Pilipino ang mababakunahan. Ngunit kung magpapatuloy ang average ng nababakunahan sa ating bansa na ngayon ay nasa halos 44,000 lamang sa isang araw, aabutin pa ng Disyembre 2029—o mahigit walong taon pa mula ngayon—bago tayo magkaroon ng herd immunity. Huwag naman sana. Kung ang titingnan natin ay ang porsyento ng mga nabakunahan na pangunahing batayan upang makamit ang herd immunity, lumalabas na pagatlo tayo sa huli sa ASEAN. Kung target ng ating Department of Health ang herd immunity pagsapit ng Disyembre ngayong taon, kailangang umabot sa 578,000 ang binabakunahan sa isang araw.
Ngunit sa halip na ilantad sa publiko ang katotohanang ito at ipaliwanag kung ano ang konkretong plano nito upang makamit ang herd immunity sa lalong madaling panahon, pinipili ng ating pamahalaan ang mga datos at mensaheng nagpapahiwatig na mahusay ito sa pagtugon sa pandemya. Alinsunod daw sa direktiba ni Pangulong Duterte, inatasan ang Presidential Communications Operations Office (o PCOO) na iparating sa publiko na mas magaling tayo kaysa sa ibang bansa sa pagtugon sa pandemya. Sa isang memorandum na kumalat sa social media bago pa man ito pormal na maisapubliko, kailangan daw laging isama ang datos mula sa ibang bansa upang palitawing mas mabuti ang ating kalagayan. Nakalulungkot ito dahil para bang ginagawa pa nating halimbawa ang trahedya sa ibang bayan upang pagtakpan ang mga kakulangan ng ating pamahalaan.
Sabi nga sa Catholic social teaching na Caritas in Veritate, ang katotohanan ang liwanag na nagbibigay ng kahulugan at halaga sa pagkakawanggawa o charity. Kung itatago ng pamahalaan ang katotohanan, hindi ba’t mas napagkakaitan tayo ng tamang pagtugon sa pandemya na dapat na inaasahan natin dito? Hindi ba’t mas mailalagay tayo nito sa higit na kapahamakan?
Mga Kapanalig, ipagdasal nating maliwanagan ang ating mga lider, ngunit tayong mga mamamayan ay dapat ding maliwanagan at laging hinahanap at ipinagtatanggol ang tama at totoo.