378 total views
Mga Kapanalig, kung isinagawa ang midterm elections noong kalagitnaan ng Disyembre, karamihan sa mga mananalong senador ay ang mga pulitikong tikóm ang bibig sa lantarang paglapastangan sa dignidad ng buhay ng mga Pilipino. Sa survey na ginawa ng Pulse Asia noong isang buwan, lumabas na pipiliin ng mga botante ang mga may pangalang sikát—anak ng isang artista; mga artistang dawit sa katiwalian; asawa ng isang bilyonaryong mangangamkam ng lupa; at mga anak ng mga tiwaling pulitiko at ng pinatalsik na diktador. Kung may bago man, kilala naman siyang berdugo at kumikiling sa marahas na paglutas sa problema ng krimen.
Nakalulungkot ang ipinahihiwatig ng kinalabasan ng survey ng Pulse Asia. Kung ganito nga ang mangyayari sa halalan sa darating na Mayo, pinakakawalan natin ang isang mahalagang pagkakataon upang magkaroon ng positibong pagbabago sa pamahalaan. Halos lahat kasi sa kanila ay kilaláng dikít sa kasalukuyang administrasyon. Ilan sa kanila ang may utang na loob dito o kaya naman ay nais maging mabango hindi lamang sa ating pangulo kundi sa mga masusugid niyang tagasunod.
Ngayong ang kapangyarihan ay nasa kamay ng mga nagpapalaganap ng kasinungalingan upang manatili sa poder, hindi praktikal para sa mga pulitikong sariling interes lamang ang iniisip na maging alternatibong boses sa pamahalaan. Kung nais nilang manalo sa halalan, hindi nila babanggain ang mga patakaran ng administrasyon kahit pa nagpapahirap ang mga ito sa mga ordinaryong mamamayan. Hindi nila kukuwestuyinin ang pamamalakad ng administrasyon kahit pa ipinagpapatuloy nito ang kultura ng katiwalian sa pamahalaan. Hindi sila magsasalita tungkol sa walang prenong paninira ng pinakamataas nating lider sa mga institusyong gaya ng Simbahan at ng malayang media na nagbabantay at pumupuna sa pagmamalabis ng mga nasa pamahalaan. Hahayaan lamang nila ang mga pananalitang walang paggalang sa dignidad ng mga babae at mga pahayag na iniinsulto ang pananampalataya ng mga tao.
Kaya mahalagang hangga’t maaga ay pinag-iisipan na natin kung sinu-sino ang mga iboboto natin sa darating na halalan. Walang perpekto sa kanila. Walang makapagbibigay ng agarang solusyon sa mga problema ng bayan. Wala ring makagagawa ng mga batas na agad na makapagpapagaan ng buhay ng mga mahihirap. Ngunit kung masinsinan nating susuriin ang kuwalipikasyon at husay ng mga kandidato sa halip na gamiting batayan ang kanilang kasikatan, makikita natin kung sinu-sino ang karapat-dapat na magkaroon ng pagkakataong maging tunay na lingkod-bayan. Batayan din dapat ang kanilang paninindigan sa maraming isyung bumabagabag sa ating bayan—ang kaliwa’t kanang patayan, ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang kawalan ng pangmatagalang trabaho, ang paniniil sa kalayaan sa pamamahayag, at marami pang iba.
At bilang mga Katoliko, malaki ang papel na ginagampanan ng ating pananampalataya sa pagpili ng mga mamumuno sa ating pamahalaan. Sabi nga ni Pope Francis sa Evangelii Gaudium, kaakibat ng tunay na pananampalataya ang malalim na pagnanais na baguhin ang ating mundo, na maipasa ang ating mga pinahahalagahan o values, at na lumisan sa mundo nang nasa mas mabuti itong kalagayan kaysa noong dumating tayo rito. At kung pangunahing tungkulin ng pulitika na isaayos ang lipunan nang ito ay maging makatarungan, hindi dapat manatili ang Simbahan sa gilid lamang ng laban para sa katarungan.
Tayong lahat ay bahagi ng Simbahan, at bilang mga bumubuo ng Simbahan, tungkulin nating pumili ng mga magpapatakbo ng ating pamahalaang magtitiyak na umiiral ang katarungan sa lipunan. At ang isang mabuting Kristiyano ay bumoboto batay sa kanyang konsensya. Bumoboto tayo nang ang laging isinasaisip ay ang kapakanan ng lahat at hindi ang kapakinabangan ng iilan.
Kaya mga Kapanalig, sa mga pangalang nangunguna sa mga survey, masasabi ba nating isinusulong nila ang kabutihan ng lahat at tunay na katarungan? May panahon pa tayong mag-isip.
Sumainyo ang katotohanan.