483 total views
Umapela ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Office on Stewardship sa mananampalataya na huwag sanayin ang sarili sa virtual presence ng Panginoon.
Ito ang mensahe ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon o Corpus Christi.
Iginiit ng obispo na nais ng Panginoon na damhin ng bawat isa ang tunay na katawan at dugo sa pamamagitan ng pagtanggap ng Banal na Komunyon sa pagdalo ng Eukaristiya.
“Huwag tayong makontento sa virtual presence lang; Oo nakapagdasal tayo, nakinig tayo sa salita ng Diyos at gumawa pa nga tayo ng spiritual communion. But we have not received the Real Presence of Jesus. Gusto ni Jesus na ang kanyang presensiya sa atin ay Real o tunay,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Batid ng opisyal ang pagpaliban sa pisikal na pagdalo ng Banal na Misa sa nakalipas na dalawang taon bilang pag-iingat sa nakahahawang coronavirus subalit hindi ito sapat na basehan upang makasanayan ang virtual na pagsisimba.
Hinimok ni Bishop Pabillo ang mananampalataya na bisitahin si Hesus sa Banal na Tabernakulo ng mga simbahan at maglaan ng panahon upang makapiling ang Panginoon.
Binigyang diin pa ng obispo ang pagmamalasakit ng Panginoon sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pag-alay ng sariling buhay upang matubos sa kasalanan ang sanlibutan.
“Ito nga ang kahulugan ng katawan at Dugo ni Kristo na ibinabahagi sa atin. I-shenare niya ang lahat ng mayroon siya. Ginawa niya ito sapagkat he cares, kinakalinga niya tayo, binibigyan niya tayo ng buhay, na walang iba kundi ang buhay maka- Diyos,” ani Bishop Pabillo.
Tinuran ng obispo na sa anumang hamong kinakaharap ng mamamayan mapagtagumpayan ito kung tulad ni Kristo ay pairalin ang pagkakaisa, pagbabahaginan at pagmamalasakit sa kapwa.
Umaasa si Bishop Pabillo na kasabay ng pagluwag ng mga panuntunan hinggil sa COVID-19 protocols ay gamiting pagkakataon ng mananampalataya ang pagdalo ng pisikal sa mga Banal na Misa upang personal na matanggap ang katawan at dugo ng Panginoon.