26,327 total views
Ipinaalala ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto sa mamamayan na kalingain ang mga mahihirap at huwag talikuran.
Ito ang mensahe ng Obispo, in-coming chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa paggunita ng World Day of the Poor sa November 19 araw ng Linggo.
Ipinagdarasal ng Obispo na katulad ng paggunita sa tema ngayong taon na ‘Do not turn your face to everyone who is poor’ ay patuloy na paigtingin ng mamamayan ang paglapit sa mga mahihirap upang pataasin ang antas ng kanilang pamumuhay.
“Ito ay nagtuturo sa atin ng kabutihang loob maging sino pa man sila, ang kabutihan ng loob na ito ay maaring ipakita sa pamamagitan sa pamamagitan ng pagbibigay tulong kungdi ng pakikinig, pag-aaruga, maaring pagkilala sapagkat ang bawat isa ay nilikhang kawangis ng Diyos lalo na ang mga mahihirap,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Umaasa si Bishop Presto ng kaliwanagan sa mamamayan upang matukoy ang kanilang pangangailangan at wastong matulungan ang mga mahihirap.
Kasabay ito ng pagtitiwala ng Obispo na sa pagdaloy ng pagmamahal ng Diyos sa mga mahihirap ay magiging daan din sila upang maging pamamagitan ng Panginoon sa higit pang pag-abot ng tulong sa kapwa nila mahihirap.
“sinasabi bawat isa sa atin ay may pananagutan para sa kapwa, walang nabubuhay sa kaniyang sarili lamang, kaya nga siguro para sa darating na linggo, ating basahin ang mensahe ng santo papa para sa ikapitong taong pagdiriwang ng World Day of the Poor at ang pagdiriwang na ito ay magbunsod sa ating balikan ang simbahang Pilipino na makamaralita, yung church of the pooor, ang mga mahihirap ay sinasabing hindi lang recipient ng kabutihan mula sa atin, kungdi sila din ay maaring gumawa ng kabutihan maging sa mga may magagandang takbo ng buhay,”
Patuloy naman ang ibat-ibang Social Arm ng mga Diyosesis sa paglulusand ng mga programa upang tulungan ang mga mahihirap.
Sa tala, inaasahan ng Caritas Manila na matulungan ang 800-mahihirap na pamilya at street dwellers sa Saint Vincent De Paul Parish kung saan sila’y papakainin, papaliguan at bibigyan ng sapat na suplay ng pagkain bilang paggunita sa World Day of the Poor.