195 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mananampalataya na magsumikap sa buhay at manalig sa Panginoon sa halip na umaasa sa mga pampasuwerte.
Sa pagninilay ng Obispo sa pagsalubong ng bagong taon, binigyang diin nito na hindi bahagi ng Kristiyanong pananampalataya ang mga pamahiin tuwing bagong taon upang sumagana ang buhay.
“Kung gusto nating umunlad ang buhay, huwag umasa sa suwerte lalo sa sugal kundi dalawang bagay lamang ang nararapat gawin: Magsumikap at Manalangin,” paalala ni Bishop Uy.
Ipinaliwanag ng Obispo na mas tinutulungan ng Diyos ang mga taong nagsusumikap sa buhay upang matamasa ang tagumpay at nananalig sa kanya.
Hinikayat naman ni Bishop Uy ang bawat isa na pasalamatan ang Panginoon sa nakalipas na taon bagamat hindi naisakatuparan ang ilang kahilingan.
“Let us count our blessings, not what we are lacking,” giit ng obispo.
Binigyang pansin din ni Bishop Uy ang panawagan ni Pope Francis sa bawat isa na isantabi ang mga gadget lalo na sa harap ng hapag kainan.
Pinaalalahanan din ni Bishop Uy ang mga mananampalataya na pagsumikapang baguhin ang mga nakaugalian sa pagsalubong ng bagong taon sa tulong ng Mahal na Birheng Maria.
“Nawa’y tulad ni Maria pagnilayan natin ang bawat pangyayari sa ating buhay at huwag nating hahayaan ang mga makamundong bagay na magpapalayo ng ating kalooban sa Diyos.”