184 total views
Mga huwaran o modelo ng sambayanang Filipino lalo na ng mga kabataan ang dapat lamang ihimlay sa Libingan Ng Mga Bayani.
Ayon kay Rev. Fr. Anton C.T. Pascual, pangulo ng Radyo Veritas, bagamat isang “corporal acts of mercy” ang ilibing ang mga pumanaw na isang tungkulin at hamon para sa mga Kristiyano, sa kaso ng dating pangulo hindi ito nararapat dahil nakasulat na sa kasaysayan ang mapait na ginawa nito sa sambayanang Filipino noong Martial Law.
Pahayag ng pari, ang mga inililibing sa LNMB ay mga role model ng kasalukuyang panahon.
“Katatapos lang ng closing ng Year of Mercy natin at alam naman natin na isang corporal acts of mercy ang bury the dead, isang tungkulin at hamon para sa mga Kristiyano. Sa kaso ni dating Pangulong Marcos ang paglilibing sa kanya, nararapat ba sa Libingan Ng Mga Bayani (LNMB)? Kontrobersyal yan na nagiging dahilan ng paghahati muli ng ating bansa na nakakalungkot kaya tayo sa Simbahan lahat ay nagdarasal. Nililibinng natin ang namatay, tungkulin nating Kristiyano yan. Pero kay Marcos karapat-dapat ba siyang ilibing sa LNMB? Dito siguro natin makikita ang God the power of symbol. Malaman ng tao na ang sementeryo na ito ay hindi lang libingan kundi sumasagisag at ating binibigyan ng pugay at kahalagahan ang mga bayani ng ating bansa na nagbigay halimbawa at modelo sa ating lahat. At sa puntong ito naniniwala tayo sa Simbahan na hindi karapat dapat ang dating Pangulong Marcos na bagamat ginagalang natin siya na ilibing dito sa LNMB, dahil ang LNMB ay kumakatawan ng isang malalim na simbolo ng mga Filipino na nagbuwis ng buhay at masasabi nating huwaran at maaring tularan ng ating mga kabataan na naghahanap ng role model, ” Pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Fr. Pascual, na hindi rin dapat balewalain ang matagal na ipinaglaban ng Simbahan at ng sambayanang Filipino noong EDSA People Power Revolution.
“Alam natin matagal tayong nakipaglaban diyan, ang pinaglaban ng Simbahan for the last 20 years of Martial Law, maraming namatay na mga Filipino, even mga pari… ng kawalang katarungan, kapayapaan, human rights violations laganap, ito nga ang ating struggle for justice na nag-culminate ng Edsa revolution, led by Cardinal Sin, kaya tayo sa Simbahan at paggalang na rin sa mga loyalist ng dating Pangulong Marcos hindi pwedeng ilibing si Marcos sa LNMB,” ayon pa sa pari.
Gayunman, ayon kay Fr. Pascual, bilang mga Filipino kailangan sumunod tayo sa itinatakda ng batas bagamat sinasabing ito ay limitado o may mga butas.
“Pero sa ating batas, kailangan igalang din natin, ang problema sa batas natin, bagamat nasa demokratiko tayong bansa we have to respect the rule of law but we must also accept the reality that the law is limited…to what is written and what can be proven,” ayon pa sa pari.
Payo ni Fr. Pascual sa mga nakatatanda na ipaliwanag sa mga kabataan ngayon ang kasaysayan upang malaman nila kung bakit hindi nararapat na mailibing si Marcos sa LNMB at upang ipabatid na rin na hindi pa tapos ang mga kaso ng mga Marcos kaya’t wala pang katarungan na nakakamit ang sambayanang Filipino.
“Siguro maganda ipaliwanag natin ang kasaysayan ano ang tingin ng mga kabataan sa nangyayaring ito. Dapat tayong nakatatanda na nakaranas ng Martial Law tayo kaya ipinaglaban natin ang katotohanan at katarungan dahil sa mga nagawang mali ng Martial Law era na hindi dapat maulit at patuloy pa ang ating struggle for justice, di pa naman tapos ang mga kaso nila, sabi nga ni (Imee Marcos) at patuloy nating ipaglalaban ang mga biktima ng Martial Law. We have to learn from history, hindi natin dapat kalimutan ang kasaysayan, ayaw nating mangyaring muli ang Martial Law,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Noong Biyernes naihimlay na sa LNMB si Marcos.
Noong Martial law, naitala ng Amnesty International ang may 70,000 tao na ikinulong, 34,000 ang biktima ng torture at 3,240 ang pinatay mula 1972 hanggang 1981.