901 total views
Inaasahan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang ‘Hyperinflation’ o labis na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Ayon kay SLP President Jun Cruz, bukod sa panibagong pagtaas sa presyo ng may walumput-dalawang produkto ay magiging sanhi rin ng hyperinflation ang pagpasok sa merkado ng bilyong piso halaga ng pera na ginamit sa vote-buying noong panahon ng halalan.
Iginiit ni Cruz na hindi makatarungan at napapanahon ang pag-apruba ng Department of Trade and Industry (DTI) sa price-hike ng mga pangunahing bilihin tulad ng gatas, canned goods at ibat-ibang uri ng pampalasa.
“Sa mga susunod na araw ay makikita natin ang isang Hyper Inflation. Ito ay dahil sa hindi pangkaraniwang pagbuhos ng pera sa merkado dahil sa malawakang vote- buying. Pumasok ang bilyon-bilyong piso sa ekonomiya na walang naiambag na produkto at serbisyo. Dahil dito, bababa ang halaga ng salapi. At ngayon, itataas pa ang halaga ng basic commodities at bilihin. Sino ang tatamaan dito? Ang mga mahihirap na naman. Kaya’t maliwanag na hindi napapanahon ang pagtaas nito dahil kasabay pa nito ang pagtaas ng krudo, gasolina at pati kuryente,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Cruz sa Radio Veritas.
Ikinabahala din ng SLP ang kakarampot na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Umaasa si Cruz na italaga ng susunod na administrasyon ang mga opisyal na prayoridad ang kapakanan ng mahihirap.
Itinuturing naman ni Atty.Victor Dimagiba – Pangulo ng Laban Konsyumer Incorporated na anti-poor ang panibagong pagtataas sa presyo ng ilang pangunahing bilihin.
Ayon kay Dimagiba, hindi lamang ang mga mahihirap ang makakaranas ng epekto ng taas-presyo, mararamdaman din ito ng mga ‘middle-class earners’.
Nasasaad naman sa katuruang panlipunan ng simbahang katolika na laging isaalang–alang ang mga mahihirap sa anumang paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.