2,527 total views
Ito ang patuloy na paanyaya ng PasaLord Interfaith Prayer Movement sa bawat isa sa paggunita nito ng ika-6 na taong anibersaryo ng pagkakatatag nitong ika-6 ng Hulyo, 2023.
Ayon kay Lourdes “Nanay Bing” Pimentel – Founder at Lead Convenor ng PasaLord Prayer Movement, ang bawat isa ay patuloy na inaanyayahan ng Simbahan na ialay ang buhay at maging ang mga pasanin, problema at kalungkutan sa Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin.
“Let us all pray and make every day, every minute of your life and action, your words, your deeds should be dedicated to our Lord and that is another form of prayer.” Ang bahagi ng pahayag ni Pimentel.
Ipinaliwanag ni Pimentel na ang pagpapasa sa Panginoon o pag-aalay sa Diyos ng mga problema at pagsubok sa buhay ay isang paraan upang mapagaan ang pagharap sa mga hamon sa buhay at patuloy na magkaroon ng pag-asa ang bawat isa.
“Kapag may problema po lahat yan pasa kay Lord sapagkat kung sa tingin ninyo, sa pakiramdam ninyo may kasama kayo sa kahit na anong problema at paghihirap ay magaan po ang ating pagdadala ng ating buhay.” Dagdag pa ni Pimentel.
Taong 2017 ng nabuo ang PasaLord Interfaith Prayer Movement na naglalayong mapagbuklod ang buong bansa sa pananalangin at pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa Pilipinas.
Kabilang sa partikular na ipinanalangin ng PasaLord Interfaith Prayer Movement ay ang paggabay ng Panginoon sa pagkakaroon ng mga lider ng bansa na may pambihirang kabutihan, katalinuhan at katwiran para sa mga gagawing mahahalang desisyon para sa bayan.
Taunan namang nagsasagawa ng Synchronized National Interfaith Prayer for the Philippines ang Pasalord Prayer Movement tuwing unang Huwebes ng buwan ng Pebrero.