199 total views
Tiniyak ni newly-elected Senator Ronald dela Rosa na mananatili siyang katoliko sa kabila ng pagsuporta sa parusang kamatayan na mariing namang tinututulan ng Simbahang Katolika.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ng mambabatas na pangunahin niyang isusulong ay ang pagbabalik ng parusang bitay para sa mga drug traffickers at bigtime drug lords.
“Ang isyu despite sa ating war on drugs nakakapasok pa rin ang suplay ng droga mula sa abroad kaya ito ang tinututukan natin. Hindi po ako nag-insist sa mga bersyon ng death penalty noon na naharang na death penalty para sa lahat ng heinous crime kasi ang opisyon dyan ang kawawa sa death penalty ay mahihirap lamang,” ayon sa mambabatas.
Inamin din ng bagong Senador na alam na niyang hindi magugustuhan ng simbahan ang kaniyang pagsusulong sa parusang bitay bagama’t nanindigan na ang pagkakaroon ng batas ay magsisilbi rin hadlang sa mga nais na gumawa ng masama.
“Ang sagot ko naman, ako rin naman ay isang katoliko hanggang mamatay ako hindi ako magpapalit ng relihiyon. Kaya nga ako nagsusumikap sa aking war on drugs because I value life so much lalu na ang buhay ng mga inosenteng kabataan na nasisira,” ayon kay Senator Dela Rosa.
Iginiit ng bagong Senador na malaking problema sa kasalukuyan kung kaninong buhay ang isasalba.
“We are in a crossroads on making the right decision kung kaninong buhay ang dapat nating isasalba. Ito bang buhay nitong convicted Chinese drug lord o buhay ng libo-libong kabataang Filipino na nasisira dahil sa droga.” pahayag ni Dela Rosa
Sa kasalukuyan, iniulat ni Senator Dela Rosa na may 160 ang convicted drug traffickers sa New Bilibid Prison na pawang mga Chinese, Taiwanese at Hongkong national.
Base naman sa ulat noong 2018, may 74 na kabataan ang nasawi mula sa higit 25 libong napatay na may kaugnayan sa droga.
Sa panig naman ng simbahan, tiniyak ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBP) na hindi matitinag sa paninindigan na tutulan ang death penalty na hindi lang labag sa karapatang pantao kundi taliwas din sa turo ng Diyos.
Taong 2006 nang alisin ang parusang bitay sa Pilipinas.
Ayon naman sa Amnesty International, may 141 ng mga bansa sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ang wala ng umiiral na capital punishment.
Bago pa man ang halalan, nanawagan ang CBCP sa mamamayan na suriin ang mga kandidatong magpapahalaga sa buhay at pamilya.
Kabilang dito ang paninindigan sa usapin ng death penalty, aborsyon, diborsyo at same sex marriage.
Binigyan diin naman ng Santo Papa Francisco na ang parusang kamatayan ay nagkakait sa bawat tao ng karapatan para makapagbagong buhay.