438 total views
Hinikayat ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang mga mananampalataya na tuwinang alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa pamamagitan ng banal na Eukaristiya.
Ito ang mensahe ni Bishop Vergara, lalo na sa mga mananampalataya na walang pagkakataon na makadalaw sa mga puntod ng mga mahal sa buhay dahil sa karamdaman o bunsod rin ng umiiral na community quarantine dahil sa pandemya.
Paliwanag ng Obispo, isa sa mga paraan upang alalahanin ang mga yumao ay ang pag-aalay ng banal na Eukaristiya na itinuturing bilang pinakamahalaga at pinakamataas na uri ng pananalangin.
Panawagan din ni Bishop Vergara sa mananampalataya na sikapin ang pagdalo sa misa lalo na tuwing linggo – o ang Sunday of obligation maging ito man ay ‘online’ o sa mga parokya.
Sa kasalukuyan, kasabay ng pagbaba ng bilang ng mga nahahawaan ng Covid-19 ay patuloy namang niluluwagan ng pamahalaan ang ‘alert status’ kung saan may 50 porsiyento ng ‘seating capacity’ ng mga parokya ang maaring makadalo sa mga idinaraos na misa.
“Kaya nga sana’y makita natin na ito’y hindi lang obligasyong dapat tuparin, kundi nakaugat sa ating katauhan bilang anak ng Diyos. Sana maunawaan po natin yan. Sinasabi nga po, dumating na sana sa buhay ng bawat katolikong kristiyano na hindi sila mabubuhay kung walang Eukaristiya, ” ayon kay Bishop Vergara.
Nauna nang naglabas ng pastoral instruction si Bishop Vergara para sa Diyosesis ng Pasig hinggil sa paggunita sa Undas ngayong taon bilang pagtalima na rin sa panuntunan ng pamahalaan.
Matatandaan namang inanunsyo ng Inter-Agency Task Force ang muling pagsasara ng mga sementeryo sa bansa ngayong Undas, katulad ng ginawa noong nakaraang taon, upang maiwasan ang pagdagsa ng mamamayan at maging ligtas laban sa COVID-19 transmission.