171 total views
Ito ang hamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa lahat ng mga delegado ng PCNE5 ngayong taon na isinagawa sa University of Santo Tomas.
Ayon kay Cardinal Tagle, taon-taon ay layunin ng PCNE na mapag-alab ang puso ng bawat isa upang mas mapalawak pa ang Ebanghelisasyon ng Simbahang Katolika.
“Taon taon naman kasi ito ay tungkol sa New Evangelization sana mag-alab ang puso ng bawat isa lalo na yung nandito at yung mga sumusubaybay kasi yun naman ang Evangelization…” pahayag ni Cardinal Tagle sa panayam sa Radyo Veritas.
Dahil dito umaasa ang Cardinal na hindi lamang sarilihin ng mga delegado ang kanilang mga karanasan, nasaksihan at mga mensaheng nadinig sa naganap na komperensya sa halip ay ibahagi ito sa kanilang mga kapanalig, kapamilya, kaibigan, samahan, kumunidad, at higit sa lahat ay sa mga nangangailangan ng tulong at gabay.
Paliwanag ni Cardinal Tagle, ang pag-aalay ng sarili sa kapwa partikular na sa mga nangangailangan ang tunay na dapat na maging Bunga at resulta ng Komperensya.
“Yung natanggap nating alab mula kay Hesus huwag sarilihin, ibigay sa ating mga pamilya, sa ating samahan, sa ating trabaho at lalo na doon sa mga talagang nangangailangan ng pag-ibig, ang mga naghihirap, ang mga nakaranas ng mga hindi magaganda sa buhay, yun ang anu paman ang nagiging topic ng PCNE sa bandang huli sana yun ang maging bunga…” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Samantala, inihayag naman ng Cardinal na muling pag-aaralan ng pamunuan ng Philippine Conference on New Evangelization ang paglalaan ng dalawang araw para sa mga kabataan sa susunod na edisyon ng PCNE kaalinsabay ng Year of the Youth.
Pagbabahagi ni Cardinal Tagle, ang paglalaan ng unang dalawang araw ng PCNE para sa mga Religious at Clergy ngayong taon ay bilang paggunita sa idineklara ng mga Obispo na Year of the Clergy and Consecrated Persons na bahagi naman ng paghahanda sa ika-500 Anibersaryo ng Kristyanismo sa Pilipinas.
“Itong taon na ito nagkaroon ng ganoon (2-araw para sa mga religious at clergy) dahil ano ngayon eh idineklara ng mga Obispo na Year of the Clergy and Religious o Consecrated People., Ngayon titingnan mukhang maganda yung karanasan kasi next year Year of the Youth, ewan natin baka yung PCNE ay magkaroon ng dalawang araw din na kabataan naman, tingnan natin ayokong mangako yan ay pag-aaralan namin…” Pagbabahagi ni Cardinal Tagle.
Nagsimula ang limang araw na Philippine Conference on New Evangelization noong ika-18 ng Hulyo kung saan inilaan ang unang 2 araw ng pagtitipon para sa mga Clergy at Religious mula sa iba’t ibang Kongregasyon at Diyosesis sa buong Bansa at nagtapos noong linggo ika-22 ng Hulyo.
Tema ngayong taon ang “Moved with Compassion… Feed the Multitude” na naglalayung mapalalim pa ang kamalayan ng mga mananampalataya sa pagbabahagi ng habag sa kapwa.
Batay sa tala ng pamunuan ng PCNE, umabot sa 7,000 ang kabuuang bilang ng mga Delegado ngayong taon kung saan sa bilang na ito 3,000 ang mga Religious at Clergy.(Reyn Letran)