311 total views
Umaasa ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na naging mabunga at makabuluhan ang naging paggunita ng mga laiko ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
Ayon kay Bro. Jun Cruz, Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, nawa ay higit na natutunan ng bawat mananampalataya ang kahalagahan na maihayag ang pananampalataya, maibahagi ang pag-asa at maipahayag ang pag-ibig ng Panginoon sa mas nakararami lalo na sa gitna ng iba’t ibang mga pagsubok at hamon na kinahaharap ng lipunan sa kasalukuyan.
Ipinaliwanag ni Cruz na sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pananampalataya ay higit na mapapatibay at maipapalaganap ang pananampalataya sa Panginoon sa mas nakararami.
“Sana po ay meron tayong natutunan bilang magkakapatid na mga layko, ang una po diyan na gusto nating sabihin ay yung expressing of faith increases faith, ang pangalawa po siguro ay yung announcing hope inspires hope at ang pinakamahalaga po siguro ay proclaiming love makes love great,” ang bahagi ng pahayag ni Bro. Jun Cruz.
Naniniwala si Cruz na ang pagbabahagi at pagpapahayag ng pag-asa at pag-ibig ng Panginoon ay isang paraan upang sama-samang malagpasan ang iba’t ibang pagsubok at hamon sa bawat isa.
Nanawagan naman si Cruz sa iba pang National Lay Organizations at Councils of the Laity ng iba’t ibang diyosesis na maging mapanuri at manindigan sa pagpoproklama ng pagmamahal hindi lamang sa kapwa kundi para sa bansa sa pamamagitan ng matalinong pakikisangkot sa nakatakdang halalan.
Pagbabahagi ni Cruz, napapanahon na upang isulong at iproklama na mas radikal ang magmahal tulad ng pagpapamalas ng Panginoon ng kanyang ipag-adya ang kanyang bugtong na anak na si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
“Mga kapatid, mga Councils of the Laity, mga National Lay Organizations ay meron tayong desisyon na gagawin na iproklama ang pagmamahal. Sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay nagpahayag na kami ng paninindigan sa darating na eleksyong ito at marami na pong dioceses at National Lay Organizations, mga grupo na nagpahayag at nagproklama ng pag-ibig sana po kayo rin po sa mga darating pang mga araw ay magproklama na mas radikal ang magmahal, mas radikal ang pag-ibig ipanalangin natin sa Panginoon na sa araw ng pagkabuhay niya, mabuhay na muli ang pananampalataya, ang pag-asa, ang pagmamahal,” dagdag pa ni Cruz.
Matatandaang una ng nagpahayag ng suporta sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Francis “Kiko” Pangilinan para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas at ang iba pang Diocesan at Archdiocesan Council of the Laity kabilang na ang mga layko mula sa mga Diyosesis ng Parañaque; Tarlac; Legazpi; Novaliches; Romblon; Malolos; Gumaca; Archdiocese of Lipa; Archdiocese of San Fernando Pampanga; Apostolic Vicariate of Calapan at Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan.