254 total views
Mga Kapanalig, hindi na nakagugulat ang iniulat ng Philippine Statictics Authority (o PSA) noong nakaraang linggo na umabot sa 10.3% ang unemployment rate sa bansa. Katumbas ito ng halos 4.5 milyong Pilipino na walang trabaho noong 2020. Ito na ang pinakamataas na unemployment rate sa bansa sa loob ng mahigit isang dekada.
Eksaktong isang taon ngayong araw nang nagsimulang isailalim ang buong Luzon sa lockdown o kung tawagin ng pamahalaan ay community quarantine upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19. Sinundan ito ng lockdown sa mas marami pang lugar sa bansa. Sa kabila nito, tumataas pa rin ang bilang ng kaso ng COVID-19 dito sa ating bansa habang ang ekonomiya natin at ang kabuhayan ng ating mga kababayan ay walang katiyakan. Kahit na isa sa bawat limang Pilipino edad 15 taóng gulang pataas ay mayroong trabaho o kaya ay aktibong naghahanap ng trabaho, umakyat pa rin ang underemployment rate, o ang bilang ng mga taong naghahanap pa ng karagdagang trabaho. Mula sa 13.8% noong 2019, umakyat ito sa 16.2%. Ang mga manggagawa sa services sector, katulad ng mga drivers, security guards, cashiers, at construction workers, ang bumubuo sa pinakamalaking porsyento ng mga manggagawa, at sila rin ang pinakamatinding tinamaan noong panahon ng ECQ o enhanced community quarantine nang nagsara ang maraming negosyo.
Alam nating ang lakas-paggawa ng mga manggagawang Pinoy ang haligi ng ating ekonomiya, lalo na’t 56.2% ng ating gross domestic product o kabuuang lokal na produksyon ay nagmumula sa services sector. Kaya’t nakalulungkot ang pahayag ng Malacañang para sa ating mga manggagawa na hindi kasama sa mga opsyon ang pagbibigay ng ayuda sa kanila. Sa halip na ayuda, tuluyang bubuksan na raw ang ekonomiya, papahintulutan nang makalabas ang mas marami, at daragdagan ang bilang ng pampublikong transportasyon. Dagdag pa ni Secretary Harry Roque, sa pagsisimula ng rollout ng bakuna laban sa COVID-19, tuluyan nang maipatutupad ang recovery package na plano ng pamahalaan. Nasaan kaya sa planong iyon ang ating mga manggagawa?
Para sa karamihan ng mga manggagawa, ang sahod na kanilang natatanggap ay hindi lamang para sa kanilang mga sarili ngunit para sa kanilang mga pamilyang binubuhay, mga anak na pinag-aaral, at maaaring gamot o bitamina sa mga maysakit at nakatatanda. Hindi mahihintay ng mga pangangailangang ito ang pagbangon ang ekonomiya upang matugunan. Hindi kayâ dapat bigyang-proteksyon muna ang mga manggagawa upang hindi sila tuluyang mawalan ng trabaho at mamuhunan sa mga naghahanap ng trabaho upang tuluyang makabangon ang ating ekonomiya? Kung tunay ngang whole of society approach ang balangkas ng mga hakbang ng pamahalaan, dapat pag-isipan ang karampatang programa para ibalik ang dangal ng ating mga manggagawang Pinoy, hindi lamang sa pamamagitan ng ayuda, ngunit maging sa social protection katulad ng unemployment insurance para sa mga nasa services sector.
Kinikilala ng Catholic social teaching na ang dangal ng paggawa o dignity of human work ay higit sa pagkakaroon ng hanapbuhay. Sabi nga ni Pope St. John Paul II sa Laborem Exercens, ang pangunahin at orihinal na layunin ng Diyos sa paglalang Niya sa tao sa kaniyang imahe ay ang paggawa. Sinabi sa Genesis 3:19, “sa pagod at pawis pagkain mo’y manggagaling”. Dito nagmumula ang ating tungkuling pangalagaan at pagyamanin ang mundong ipinagbilin sa atin. Kaya kinakailangang itaguyod ang karapatan ng mga manggagawa, bilang mga taong may dignidad, sa patas na pasahod at wastong benepisyo, gaya ng ayuda sa panahon ng krisis.
Mga Kapanalig, sa gitna ng pandemya, ang paggawa ay hindi lamang magtataguyod sa ating pamilya, komunidad, at bansa. Ito rin ay patuloy na pakikilahok sa gawain ng Diyos upang pagyamanin ang kanyang mga biyaya. Ito ang dangal ng ating paggawa.