350 total views
Mga Kapanalig, lumabas sa 2023 State of World’s Children Report ng United Nations Children’s Fund (o UNICEF) na ang Pilipinas ay may isang milyong zero-dose children o mga batang hindi nakatanggap ng regular na bakuna sa kanilang pagkabata. Dahil dito, panlima ang Pilipinas sa may pinakamaraming batang hindi bakunado sa buong mundo, at pangalawa naman tayo sa rehiyong East Asia and the Pacific.
Maraming espesyalista sa larangan ng medisina ang naalarma at nabahala sa dami ng batang hindi nababakunahan sa ating bansa. Itinuturing kasing vulnerable o mahina ang mga bata lalo na mula sa buwan ng kanilang pagkasilang hanggang sa umabot sila ng isang taon. Mahalagang nababakunahan ang mga bata lalo na sa yugtong mahina sila dahil proteksyon nila ang bakuna mula sa mga nakakahawa at delikadong sakit na maaari nilang ikamatay. Kung bakunado ang mga bata, liliit ang tsansang magkasakit sila at mas maitutuon ng mga magulang ang kanilang oras sa iba pang bagay at hindi sa pag-aalaga ng anak na may sakit. Nagiging daan din ang pagiging malusog at protektado ng mga bata mula sa mga sakit upang maabot nila ang kanilang buong potensyal at maging produktibong mamamayan.
Madali dapat nakakukuha ng bakuna ang mga nangangailangan nito. Ngunit malungkot na katotohanang libu-libong mga bata mula sa mahihirap na pamilya at nakatira sa malalayong komunidad ang walang access sa mga bakuna. Nariyang walang suplay ng bakuna ang mga health centers lalo na sa kanayunan, o kaya naman ay walang mga health workers para magbigay nito. Kapansin-pansin ding maraming hindi tiwala sa pagpapabakuna sa mga bata lalo na nitong panahon ng pandemya. Ito ang tinatawag na vaccine hesitancy.
Ayon pa rin sa UNICEF, maiuugnay ang mababang vaccination rate sa mga bata sa cultural concerns ukol sa pagiging ligtas ng bakuna, lalo na matapos ang kontrobersya sa Dengvaxia noong 2017. May kinalaman din ang pagbaba ng tiwala ng publiko sa bakuna sa mga nababasa nilang mali o nakalilinlang na impormasyon tungkol sa pagpapabakuna. Sa kabila nito, binibigyang-diin ng UNICEF, mga health experts, at mga opisyal ng pamahalaan ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa mga bata laban sa mga sakit na kayang sugpuin ng bakuna gaya ng measles o tigdas, tubercolosis, pneumonia, mumps o beke, at polio.
Malaki ang responsabilidad ng pamahalaan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa bakuna at ang pagiging epektibo nito laban sa mga sakit. Kailangan nitong makipag-usap sa mga komunidad at makinig sa kanilang mga pangamba. Mahalaga rin ang pagbibigay ng prayoridad sa mga health workers at providers dahil sila ang nasa frontline ng pagpapabakuna at unang pagkakatiwalaan ng mga nasa komunidad.
Para sa mga magulang, kailangang nilang makinig at magtiwala sa mga eksperto sa kalusugan at sumunod sa rekomendasyong pabakunahan ang kanilang mga anak. Dapat din silang maging mapanuri sa mga nababasa at ibinabahaging impormasyon tungkol sa mga bakuna, lalo ngayong laganap ang fake news at disinformation. Upang magkaroon ng tiwala at kumpiyansa ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, kailangang maipaliwanag sa kanila ang siyensya ng pagbabakuna at maging tapat ang gobyerno at mga eksperto sa medisina sa paglalahad ng wastong impormasyon tungkol sa mga bakuna. Sabi nga sa 3 Juan 1:4, “walang higit na makakapagpaligaya sa [Diyos] kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang [Kanyang] mga anak.”
Mga Kapanalig, kinikilala ng ating Santa Iglesia ang dignidad ng mga bata. Ang pagkakaroon nila ng dignidad ay may kaugnayan sa proteksyon ng buhay at pagtataguyod ng karapatan nila sa isang malusog na pangangatawan at maayos na kalidad ng buhay. Ang pagtataguyod natin sa kanilang karapatang mabigyan ng serbisyong pangkalusugan, gaya ng bakuna, ay nagpapakita ng pagkilala sa kanilang dignidad.
Sumainyo ang katotohanan.