216 total views
Mga Kapanalig, lumabas noong isang linggo ang report ng World Justice Project – Rule of Law para sa 2021 kung saan muling bumaba ang iskor ng ating bansa pagdating sa pananaig ng batas o rule of law. Sa ilalim ng pamumuno ni Presidente Duterte, bumaba sa pang-102 ang ating ranggo ngayong taon mula pang-51 noong 2015. Kabilang na rin tayo sa mga bansang may pinakamababang grado sa Asya.
Ang report ay batay sa survey na nilahukan ng mahigit 138,000 pamilya at 4,200 eksperto sa 139 bansa sa buong mundo. Nakakuha ng gradong 0.46 ang Pilipinas pagdating sa pananaig ng batas; 1 ang pinakamataas na grado. Ang kabuuang grado ay batay sa iba’t ibang aspeto ng pamamahala at pagpapatupad ng batas katulad ng paggalang sa mga karapatang pantao, maayos na sistemang pangkatarungan, at kawalan ng katiwalian.
Hindi sinang-ayunan ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra ang report. Aniya, patuloy na bumababa ang kriminalidad sa bansa, at bagamat hindi perpekto ang ating mga tagapagpatupad ng batas, patuloy naman silang naglilingkod. Naniniwala naman si University of Santo Tomas Political Science Professor Marlon Villarin na patuloy na bababa ang ating grado sa rule of law index hangga’t hindi nasosolusyunan ng pamahalaan ang mga isyu ng pang-aabuso sa pagpapatupad nito ng war on drugs. Batay sa 2020 report ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights, nasa mahigit 8,000 na ang napapatay sa giyerang ito ng administrasyon. Sa katunayan, uumpisahan na ng International Criminal Court ang pag-iimbestiga nito sa mga kaso ng extra-judicial killings sa bansa.
Dumadagdag sa kawalan ng maayos na sistemang pangkatarungan ang pangingibabaw ng ehekutibo sa lehislatura at hudikatura o ang kawalan ng pantay na kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan. Makikita natin ito sa tila pagiging sunud-sunuran ng mga miyembro ng dalawang sangay ng pamahalaan sa mga kagustuhan ng pangulo. Naaalala ba ninyo ang bantang sanlibong pisong badyet lang ang ibibigay sa Commission on Human Rights? Ang paglilibing sa diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani? At ang pagpapasara sa ABS-CBN? Lahat ng ito ay may pagsang-ayon ng ating mga mambabatas at mga hukom sa Korte Suprema.
Sa isyu naman ng katiwalian, nariyan ang pag-alingasaw ng mga diumano’y pangungurakot ng ilang ahensya sa ponding dapat nakalaan sa pagtugon natin sa pandemya.
Naniniwala ang Simbahang susi ang rule of law sa pagkakaroon ng maayos na lipunan at buháy na demokrasya. Kinikilala ng ating Simbahan ang kahalagahan ng balanseng kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan at ang responsibilidad ng bawat isa sa pagpapanagot sa mga kapantay nilang sangay. Kaugnay nito, binibigyang-diin ng ating mga katuruan ang importansya ng pananaig ng batas sa pamamagitan ng pagsigurong nasusunod ang mga batas at hindi ang interes ng mga nasa kapangyarihan. Ibig sabihin, dapat walang kinikilingan ang mga tagapagpatupad ng batas.
Sa huli, taumbayan ang dehado sa kawalan ng rule of law. Lahat tayo ay ninanakawan sa tuwing may katiwalian sa pamahalaan. Mahihirap ang higit na biktima ng karahasan at mga patayan. Dignidad natin ang nanganganib sa patuloy na pagsikil sa ating mga karapatang pantao, kabilang ang malayang pamamahayag. Samakatuwid, tungtungan ng katarungan at kapayapaan ang pananaig ng batas.
Mga Kapanalig, ayon nga sa Mga Kawikaan 29:2, “Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.” Nawa’y patuloy tayong manawagan para sa pananaig ng batas sa ating bansa. Kaya naman, sa darating na eleksyon, maging mapanuri tayo sa mga ihahalal nating lider. Tanungin natin: pananaigin at paiiralin ba nila ang batas o tatangis ba ang bayan sa ilalim ng kanilang pamumuno?