2,787 total views
Ipagpapaliban muna ng Legazpi City Government ang 2023 Ibalong Festival bunsod ng patuloy na banta ng pagsabog ng bulkang Mayon.
Ayon kay Ibalong Executive Committee chairman, Legazpi City Mayor Carmen Geraldine Rosal, napagkasunduan ng kalupunan na ipagpaliban muna ang pagdiriwang na gagaganapin sa August 11 hanggang 20, para na rin sa kaligtasan ng publiko.
Sinabi ng alkalde na alinsunod sa deklarasyon ng state of calamity sa buong lalawigan ng Albay, ang pondong nakalaan sa Ibalong Festival ay gagamitin bilang karagdagang tulong sa mga apektado ng sakuna.
“With the Province of Albay under a State of Calamity, the funds intended for the 2023 Ibalong Festival will be used to ensure that the City Government will have enough resources to cater to the needs of our constituents should the worst possible scenario occur.” ayon kay Rosal.
Ang Ibalong festival ay isang cultural, historical at sports festival upang ipagdiwang ang pagkakatatag ng Bicol na nakapaloob sa epiko ng Ibalong na nilikha bago ang pananakop ng mga kastila.
Karaniwang bahagi ng pagdiriwang ang Mayon Trail Run na isinasagawa sa bahagi ng Mayon Volcano partikular na sa gullies o kanal na dinaanan ng lava mula sa mga nakalipas na pagsabog ng bulkan.
Bagamat magandang pagkakataon upang muling maranasan ang kasiyahan sa taunang pagtitipon, iginiit ni Rosal na hindi dapat isantabi ang kaligtasan ng lahat mula sa pinangangambahang pagsabog ng Bulkang Mayon.
“Let us all remain vigilant and steadfast in praying that we overcome this crisis as one community.” ayon kay Rosal.
Batay sa huling ulat ng PHIVOLCS, nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon kung saan naitala ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 2.5 kilometro sa Mi-isi Gully, at 1.8 km sa Bonga Gully, habang umabot naman sa 3.3 km ang pagguho nito.
Maliban dito’y naiulat din ang isang volcanic earthquake, 301 ang rockfall events, at dalawang pyroclastic density currents.
Sa kasalukuyan, umabot na sa halos 20-libong indibidwal ang nailikas mula sa 6-kilometer permanent danger zone at nanunuluyan sa 25 evacuation centers.