116,725 total views
Mga Kapanalig, sa isang pahayag noong 1988 ng Pontifical Commission Justice and Peace, may ganitong paalala ang ating Simbahan: “Any person or family that, without any direct fault on his or her own, does not have suitable housing is the victim of an injustice.”
Totoo pa rin ito hanggang ngayon. Marami pa ring walang matawag na sariling tirahan at samakatuwid ay biktima ng kawalang-katarungan. Dito sa ating bansa, walang malinaw na bilang kung ilang kababayan natin ang walang bahay. Sila ang mga informal settlers na may bahay nga pero hindi naman sa kanilang lupa. Kasama rin ang mga homeless o wala talagang bahay at nabubuhay lamang sa mga suluk-sulok ng ating lungsod.
Kaya masasabi nating matayog na ambisyon ang gustong mangyari ng Department of Human Settlements and Urban Development (o DHSUD). Kung narinig na ninyo ang 4PH Program o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Program, target ng administrasyong BBM na makapagpatayo ng anim na milyong housing units bago matapos ang termino ng presidente.
Noong una, mga high-rise buildings ang gustong ipatayo ng DHSUD. Lampas sa sampung palapag bawat gusali ang plano, para daw mas marami ang makinabang sa isang pirasong lupa. Kalaunan, dahil sa malaking gastusin at iba pang rekisitos, pumayag na ang kagawaran na isama sa programa ang pagtatayo ng mga low- at medium-rise housing—mga pabahay na hindi aabot sa sampung palapag ang bawat gusali.
Lagi ring sinasabi ng DHSUD na bagamat malaki ang halaga ng pagtatayo ng mga housing units na ito kumpara sa mga karaniwang proyekto ng gobyerno, may subsidiya namang matatanggap ang mga magiging benepisyaryo ng programa. Halimbawa raw, kung ang isang unit ay nagkakahalaga ng ₱1.2 milyon, ang kakarguhin na lang ng benepisyaryo ay ₱400,000. Babayaran ito sa loob ng 30 taon. Magsisimula sa ₱2,000 ang buwanang hulog para sa housing unit.
Sa kabila nito, ibinaba na lang sa tatlong milyong housing units ang target ng DHSUD. Inamin ni DHSUD Secretary Jerry Acuzar na masyadong maraming delay sa pagpapatayo ng mga proyekto. Hirap din ang ahensyang makahanap ng pondo kaya aniya, lahat ng ipinatatayong 4PH projects ay pinondohan ng pribadong sektor. Sa ngayon, nasa 55 na proyekto pa lamang ang nasisimulan na may humigit-kumulang 170,000 na units. Napakalayo sa target ng gobyerno.
Gusto nating magtagumpay ang DHSUD sa layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong walang sariling tirahan na magkaroon ng bahay na matatawag nilang sa kanila. Ngunit kung ipipilit nito ang pagtatayo ng mga gusaling masyadong malaki ang gastos, hindi dapat sabihin ng kagawaran na para sa mahihirap ang 4PH Program.
Marami nang subók na paraan ng pagbibigay sa maralitang pamilya ng disenteng tirahan nang hindi mabubutas ang bulsa ng mga pamilya at hindi gagastos nang malaki ang gobyerno. Sa mga tinatawag na proclaimed areas—o mga lupang inilaan para sa pabahay ng mga nakatira na roon—maaaring lagyan ng maayos na suplay ng tubig at kuryente. May mga nasa pribadong lote na pwedeng tulungan ng gobyernong bilhin ang lupa sa may-ari. Community Mortgage Program (o CMP) ang tawag dto. Kung low- at medium-rise na lang ang pamamaraan, magandang bigyan ng gobyerno ang mga organisadong komunidad ng pagkakataong pangasiwaan ang kanilang proyekto. People’s plan naman ang tawag sa mga ito. Ang mga kapatid nating nasa lansangan naman, baka pwedeng patirahin sa mga paupahang gusali tapos ay bigyan ng pagkakataong maghanapbuhay.
Mga Kapanalig, maging bukás sana ang DHSUD sa iba’t ibang paraan ng pabahay, lalo na para sa mahihirap. Sa ganitong paraan, maisasabuhay nito ang pangako ng Diyos sa Isaias 32:18: “Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa, ligtas, at tahimik na pamayanan.”
Sumainyo ang katotohanan.