175 total views
Inilunsad ng Aid to the Church in Need Philippines (ACN PH) ang ikatlong taon ng pagsasagawa ng Red Wednesday campaign sa Pilipinas.
Ayon kay Jonathan Luciano – National Director ng ACN PH, espesyal ang pagdiriwang ngayong taon ng Red Wednesday dahil kasabay nito ang tema ng paghahanda sa ika-500 taon ng pagdiriwang ng Kristiyanismo sa Pilipinas na Year of Interreligious dialogue, ecumenism and Indigenous People.
Binigyang diin ni Luciano na isang pagkakataon ito upang palakasin ang kampanya para sa pananalangin sa mga Kristiyanong inuusig sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Sinabi ni Luciano na hindi lamang mga katoliko ang inuusig kun’di maging ang mga kristiyanong nabibilang sa ibang denominasyon, kaya naman mahalaga ang pakikiisa sa mga ito sa pamamagitan ng pananalangin.
“Itong Red Wednesday na ito ay panawagan sa ating lahat na muli magsama-sama tayo bilang mga Kristiyano at makiisa sa paghihirap ng mga kapatid nating Kristiyano in other parts of the world and at the same time pray for those who are suffering persecution, pray for those who are oppressed.” pahayag ni Luciano.
Muling gaganapin ngayong taon ang banal na misa para sa Red Wednesday sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion – Manila Cathedral.
Isasagawa ito nang alas otso y medya ng gabi at pangungunahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, kasama ang iba pang mga Obispo at pari na makiisa sa pagdiriwang.
Bilang bahagi din ng espesyal na pagsasagawa ngayong taon ng kampanya ay magkakaroon ng Ecumenical Prayer sa labas ng Manila Cathedral matapos ang banal na misa.
Ilan sa mga makikiisa sa Ecumenical Prayer and United Church of Christ in the Philippines, Aglipayan, Lutheran Church in the Philippines, Unida Church, at Iglesia Filipina Independiente.
Sa tala ng ACN PH umaabot na sa 2,071 ang bilang ng mga Simbahan, paaralan at Unibersidad na nagpahayag ng pakikiisa sa Red Wednesday Campaign.
Ayon kay Luciano, inanyayahan din niya ang lungsod ng Maynila na magpailaw ng kulay pula sa Manila Clock Tower, at inimbitahan si Manila Mayor Francisco “Isko Moremo” Domagoso na makiisa sa gaganaping banal na misa sa Manila Cathedral.
Samantala, hinihikayat ang mamamayan na magsuot ng pulang damit bilang pagpapakita ng suporta sa kampanya.