293 total views
photo courtesy of: http://evangelicalfocus.com
Nakikiisa ang iba’t-ibang relihiyon sa panawagan ni Pope Francis na pananalangin para sa kapayapaan, kung saan ang lahat ay nagpahayag ng panalangin sa nagaganap na kaguluhan sa Marawi,Mindanao.
Ang ‘A minute of Prayer for Peace’ ay panawagan ni Pope Francis na nagsimula noong June 8, 2014 matapos makipagpulong ang Santo Papa kay Israeli President Shimon Peres at Palestinian President Mamoud Abbas and Patriarch Bartolomew I.
Ang ‘Minute for peace’ ay isinasagawa tuwing ika- 8 ng Hunyo ala-una ng hapon.
Ayon kay Bishop Joel Tindero ng United Church of Christ in the Philippine (UCCP), kinakailangan ang sabay-sabay na panalangin sa buong bansa lalu na para sa mga mamamayang Muslim at Kristiyano sa Marawi city na nahihirapan sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute.
“Ako’y nanawagan sa sambayanang Filipino na sama-samang manalangin para sa kapayapaan ng ating bayan, lalu’t higit sa nagaganap na labanan sa Marawi City. Batid natin na napakaraming Filipino lalu na ang mga kapatid nating Muslim maging ang mga Kristiyano na siyang pangunahing nagdurusa sa digmaang ito na nalikha sa ating pamayanan,’ ayon kay Bishop Tindero sa panayam ng Radio Veritas.
Hiling din ng Obispo na bigyang pansin ng pamahalaan ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan upang ang ugat ng mga armadong tunggalian lalu na ang kahirapan ay mabigyang kalutasan para sa pangmatagalang kapayapaan.
Tiniyak naman ni Bishop Lito Cruz ng Iglesia Filipina Indepediente (IFI) na kagya’t siyang magpapala ng komunikasyon sa kanilang mga miyembro upang makiisa sa panalangin mamayang ala- 1 hapon.
“The IFI will support that. “I will send out communication right away,” ayon kay Bishop Cruz.
Dagdag pa ni Bishop Cruz: “Ang appeal ng IFI ay the peace that we prayed for is based on justice, the peace we want is a peace that gives freedom, sovereignity and abundant life for all people. In particular, in the Philippines we are very worried right now when we talk about peace in relation of the threat in Martial Law. We are not in favor of the Martial Law in Mindanao and also the hanging possibility that martial law will be in effect in the whole nation. We are praying that martial law will be lifted soon in Mindanao,” ayon kay Bishop Cruz.
Ikinatuwa naman ni Princess Jacel Kiram ng Sultanate of Sulu na may mga kamag-anak at malalapit na kaibigan sa Marawi na may mga inisyatibo para sa pagdarasal para sa kanilang kaligtasan.
Nanawagan din si Kiram sa lahat na hindi nawa makaapekto sa relasyon ng Muslim at Kristiyano ang mga ginawa ng Maute Group na hindi itinuturo ng kanilang relihiyon.
Iginiit ni Kiram na ang ibig sabihin ng Muslim ay mga taong nanampalataya sa Islam at inaasahang gagawa ng kabutihan sa kapwa anuman ang relihiyon.
“Diyan ako nalulungkot yung Muslim terrorist, kaya ang panawagan ko sa lahat, turuan po natin ang ating kakabayan ,kasi when you mention the word Muslim ang ibig sabihin lang noon ay they are expected to do good deeds, believer of Islam a religion of peace. Just like when you say Christians wala ng karugtong yun dahil if you are a Christian you are also expected to good deeds only,” ayon kay Kiram.
Ikinatuwa ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang pakikiisa ng iba’t-ibang relihiyon sa panawagan ni Pope Francis na ‘A minute of Prayer for Peace’ ngayong ala-1 ng hapon.
Ayon sa Arsobispo ang panawagan ng kapayapaan ay para sa lahat anuman ang relihiyon.
“Maganda yun, kasi this is a call for peace, for all people regardless of faith affiliation” ayon kay Archbishop Jumoad.
Umaasa rin ang Arsobispo na nawa ay kaluguran ng Panginoon ang panalangin para sa kapayapaan hindi lamang sa Marawi kundi maging sa iba pang panig ng mundo.
Nais din ipanalangin ni Archbishop Jumoad sa pagkakataon ito ang mga politiko na magkasundo-sundo, magkaunawaan para sa pagkaisa tungo sa kabutihan ng mas nakakarami.
“Peace must start within and also in political arena that there will be understanding, also harmony. And will cooperate whatever good for the welfare of the constituents and especially for the people of the Republic of the Philippines,”
Kaugnay nito, ganap na una ng hapon ay live na mapapakinggan sa Radio Veritas ang isang minutong ringing of bells o kalimbang ng kampana na susundan ng isang minutong prayer of silence.
Sa pinakahuling ulat, may 222 libo katao ang mga lumikas sa Marawi City habang patuloy naman na tumataas ang bilang ng mga nasasawi sa labanan na umaabot na sa 188 katao- 120 sa mga ito ay pawang miyembro ng bandido at 30 sa mga ito ay pawang mga sibilyan.
Patuloy naman ang panawagan din ni Pope Francis sa mga Muslim at binyagan na bumuo ng tulay tungo sa pagkakaisa, ang pagmamalakasakit sa kapwa at lumikha ng payapang lipunan.