11,956 total views
Patuloy na nananawagan ng panalangin ang mga diyosesis sa Bicol Region matapos ang pananalasa ng Bagyong Enteng at Habagat.
Sa situational report ng Caceres Archdiocesan Social Action Center o Caritas Caceres, umabot sa 254 pamilya o halos 2,700 indibdiwal mula sa 47 barangay ng 13 bayan at dalawang lungsod ng Camarines Sur ang nagsilikas dahil sa epekto ng bagyo sa Camarines Sur.
Ayon kay Caritas Caceres director, Fr. Marc Real, gabi pa lamang ng August 31 ay wala nang tigil ang pag-uulan sa Camarines Sur kaya ilang lugar ang nalubog sa baha.
“Walang tigil ang ulan, since Saturday night kaya maraming lugar ang nabaha. Dito nga sa Parish Hall ko (Parish of the Immaculate Conception, Naga City) may mga evacuees, although ‘yung iba, nakauwi na rin sa kanilang mga bahay. Humupa na po ang ulan. Di nman masyadong malakas ‘yung hangin. Marami lang talagang tubig ulan,” ayon kay Fr. Real sa mensahe sa Radio Veritas.
Patuloy naman ang pagkilos ng Parish Disaster Response (PaDRe) Team ng arkidiyosesis upang mapabilis ang pagtukoy at pagtulong sa mga labis na naapektuhan ng kalamidad sa pakikipag-ugnayan na rin sa Municipal, City, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Councils.
Namahagi na rin ng tulong ang social arm ng Archdiocese of Caceres sa pangunguna ni Assistant Director, Fr. Erwin Bismonte, kung saan 100 kilong bigas ang ipinamahagi sa 402 evacuees ng Baras, at tig-50 kilo naman sa 112 evacuees ng San Agustin at 204 evacuees ng Haring na pawang mga barangay sa bayan ng Canaman, Camarines Sur.
Samantala, nasa 430 pamilya o higit 2,000 indibidwal naman ang nagsilikas dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga bayang saklaw ng Diyosesis ng Libmanan, Camarines Sur.
Ayon kay Caritas Libmanan director, Fr. Romulo Castañeda, patuloy nang bumubuti ang panahon sa lugar bagamat may ilan pa ring parokya ang lubog sa baha.
“Awa po ng Dios, hupa na rin ang baha sa karamihan pero meron pa pong ilang parokya na nakalubog sa baha hangang sa ngayon,” ayon kay Fr. Castañeda.
Iniulat naman ni Caritas Virac director, Fr. Atoy dela Rosa na iba’t ibang pinsala rin ang idinulot ng bagyong Enteng sa diyosesis at lalawigan ng Catanduanes.
“Encountered hazard and risks in the Diocese of Virac and Province of Catanduanes; flood but immediately subsided and landslide immediately responded by Department of Public Works and Highways.
Nanawagan din ng “donation” para sa mga nasalanta ng bagyong Enteng ang Caritas Manila.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng social arm ng Archdiocese of Manila sa mga diyosesis na apektado ng bagyo para sa agarang pamimigay ng tulong.
Batay sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa higit 147-libong indibidwal ang naapektuhan ng nagdaang kalamidad, kung saan halos 86-libo ang mula sa Bicol Region at sinundan ng halos 41-libo sa Metro Manila.
Umabot naman sa 13 katao ang naiulat na nasawi, kung saan pito ang mula sa Calabarzon, dalawa sa Central Visayas, at isa naman sa Western Visayas.