4,810 total views
IBIG KO PO SANANG MAKAKITA
Homiliya para sa Huwebes sa Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon, a-30 ng Mayo 2024, Markos 10:46-52
Tutukan natin ng pagninilay ang tungkol sa halaga ng PAKIKIRAMDAM bilang bilang simula ng pagiging alagad.
Husay sa PAKIKIRAMDAM ang translation ko ng ATTENTIVENESS. Nasabi ko na minsan sa inyo na sa wikang Kapampangan ang makinig ay MAKIRAMDAM. Siguro, ibig sabihin, para sa amin, hindi sapat ang makinig sa pamamagitan lang ng tainga. Kailangang MAKIRAMDAM, para marinig pati iyong hindi sinasabi na ibig ipahayag ng tao. Kaya nga mayroon tayong salitang PAKIRAMDAMAN.
Nangyari ang engkwentro sa pagitan ni Bartimeo at ng Panginoong Hesukristo dahil pareho silang mahusay sa PAKIRAMDAMAN. Tingnan muna natin si Bartimeo, ang bulag na pulubi.
Dati rati, ang tawag sa mga taong may kapansanan ay HANDICAPPED O DISABLED. Ngayon, ang tawag sa kanila sa English ay PWD—“persons with disability” (mga taong may kapansanan). Magandang ipaalala sa atin na hindi dapat kalimutan na mga tao sila. Mayroon man silang kapansanan pero meron din naman silang ibang mga kakayahan o ABILIDAD. Hindi tama na i-reduce ang pagkatao nila sa kapansanan nila: sa pagiging bulag, pipi, bingi, etc. Hindi ba totoo na pag may kapansanan ang tao, mas lalong tumitindi ang iba niyang mga pandama?
Sa kuwento ng eanghelyo, nag-ingay daw si Bartimeo nang malaman niyang dumadaan si Hesus. Paano niya nalaman? Kahit di niya nakikita, naririnig niya. Pilit daw siyang pinatatahimik ng mga tao, pero mas lalo siyang nag-ingay para makatawag pansin, at nagtagumpay siya. Alam niyang tulungan ang sarili niya. Maabilidad din siya. At nang ipatawag siya, mabilis siyang nakalapit kay Hesus nang walang tumutulong sa kanya. Paano niya nagawa iyon, gayong bulag siya? Palagay ko, bukod sa pakikinig, ginamit din niya ang pang-amoy at pangangapa.
Kapag pursigido talaga ang tao sa ninanais niyang gawin, walang sagabal o hadlang para sa kanya. Magpupumilit siya na makamit ang ninanais niya. Kaya siguro tinanong muna ni Hesus sa pulubi, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Malay mo nga naman, baka konting limos na barya lang ang hinihingi niya. Pero ano ang isinagot ng pulubi: “Gusto ko sana pong makakita!” Minsan may mga dukha maririnig mo sila, “Gusto kong makapag-aral, maging titser, maging duktor, maging pari….” Sa kalooban talaga natin, doon nagsisimula ang maraming mga bagay na pwedeng mangyari sa buhay natin, kapag ginusto o hinangad natin.
Sa loob din natin binubuo, hindi lang ang gusto nating mangyari kundi pati na rin ang dahilan, o layunin kung bakit iyon ang ibig nating mangyari. Kahapon sa ebanghelyo pareho rin ang tinanong ni Hesus kina Santiago at Juan nang lumapit ang dalawang alagad sa kanya: “Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?” Pero matapos na maipahayag nila ang hiling nila, ang sagot ni Hesus ay: “Hindi ninyo alam ang hinihiling ninyo.” Posisyon ng kapangyarihan ang hiling nila; pero para saan? Ito ang hamon ni Hesus: “Gusto ninyong tularan ang mga naghahari-harian sa mundong ito? Ano ang kinalaman nito sa pagiging alagad?”
Ayon sa ebanghelyo: nang makakita si Bartimeo, imbes na umuwi, sumunod siya kay Hesus sa lakad nito. Naging alagad siya ni Hesus. Ibig sabihin hindi lang niya nakita si Hesus; nakita rin niya kay Hesus ang kanyang Kristo, ang kanyang tagapagligtas, kaya mula noon nakasama na siya ng mga alagad na kasamang nakilakbay kay Hesus.
Ngayon, pansinin naman natin ang PAKIKIRAMDAM ni Hesus mismo. Ito ang malaking pagkakaiba niya sa mga guro sa kapanahunan niya. Babad siya sa kalagayan ng mga tao sa paligi niya. Hindi siya isang taong malayo at tagapanood lang. Mahusay siya sa pakiramdaman. Alam niya ang pinagdaraanan ng mga taong nagdurusa na katulad ni Bartimeo.
Di ba ganyan din ang nangyari nang magpakilala ang Diyos kay Moises? Sinabi daw ng Diyos, “Nakita ko ang pagdurusa ng aking bayan. Naririnig ko ang kanilang mga hinaing. Alam ko ang kanilang mga pinagdaraanan. Kaya bumaba ako para iligtas sila.”Tama ang sabi ng Salmo, “THE LORD HEARS THE CRY OF THE POOR.” Rinig ng Diyos ang panaghoy ng mga dukha.
Ganoon din si Hesus. Kaya narinig niya ang pulubi kahit pinatatahimik siya ng mga alagad. Napapansin niya ang hindi napapansin ng iba: katulad din ng babaeng naaagasan ng dugo, o ni Zaqueong nasa ibabaw ng puno ng sikomoro, na hinintuan niya at tiningala. O ang babaeng balo na naghulog ng barya sa templo. Mga taong hindi pinapansin sa lipunan. Mga tinig na hindi naririnig. Bakit si Hesus napapansin niya sila? DAHIL MAHUSAY SIYA SA PAKIRAMDAMAN. Husay na nanggagaling din sa marubdob na hangarin, sa kagustuhang magligtas, makilakbay, maglingkod, magpagaling, magbigay-buhay. May ibang salita para dito: MALASAKIT. Ang taong may malasakit, malakas sa PAKIRAMDAMAN.
Hindi totoo na mas mabilis tayong aabot sa ating dapat patunguhan kung mag-uunahan tayo. Ang kaharian ng Diyos ay mas mabilis nating mararating kung matutuhan natin ang sama-samang pakikilakbay. Hindi ito mangyayari kung hindi natin matutuhan ang mabuting pakikiramdam sa isa’t isa, sa bawat kalakbay dito sa mundong ibabaw.