236 total views
Tiniyak ni Department of Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno na sinusunod ang patakaran ni Pangulong Rodrigo Duterte na “No Relocation, No demolition Policy” para sa mga informal settlers na naninirahan sa mga itinuturing na danger zones tulad sa gilid ng mga ilog, sa ilalim ng mga tulay at malapit sa riles ng tren.
Sinisiguro din ng kalihim na ligtas at disente ang lilipatang tahanan ng may 1,393 informal settler families, sa mga housing sites sa Gold mine project sa Quezon City, Corrinai Project sa Pasay City at sa South Morning View Project sa Naic, Cavite.
Bukod sa mga pabahay, naglaan din ang DILG ng 700 milyong piso para sa walong Local Government Units na gagamitin sa paggawa ng Micro-medium rise buildings na magbibigay ng kabuhayan sa mga pamilya sa relocation site.
“Doing socialized housing projects is incomplete if there is no facet of participation. Participatory governance encompasses housing initiatives as provided by the Urban Development Housing Act (UDHA),” pahayag ni Sec. Sueno.
Ayon sa Developing a National Informal Settlements Upgrading Strategy for the Philippines, tinatayang 1.5 milyon o 15 porsyento ng urban population sa Pilipinas ay informal settlers.
Samantala, ipinaalala naman ni Fr. Pete Montallana, lead convenor ng Sikap Laya Incorporated na mahalagang mabigyan ng maayos na tahanan ang bawat mahihirap na pamilya dahil dito makikita ang pagbibigay ng pamahalaan ng dignidad sa bawat tao.