3,092 total views
Ipinapakita ng pinakahuling survey ng Social Weathers Stations (SWS) ang malalang kahirapan na nararanasan ng maraming pamilyang Pilipino.
Ito ang ibinahagi ng IBON FOUNDATION sa Veritas advocate kasunod ng S-W-S survey na umabot sa 10.9-million na Pilipino ang nagsasabing naghihirap ang kanilang pamilya.
Ayon kay Sonny Africa, Exeuctive Director ng Ibon Foundation, ito ang tunay na kalagayan ng ekonomiya taliwas sa ipinagyayabang ng pamahalaan na lumago ang credit ratings, gross domestic products at infrastructure sa bansa.
“Liban sa 10.9M na poor, ay may 8.6M borderline poor, ibig sabihin may 19.5M na sinasabing mahirap sila o kaya nasa alanganin. Halos 8 of ten (77%) ito ng pamilyang Pilipino,” pahayag ni Africa sa Radio Veritas.
Iginiit ni Africa na ang lumalalang kahirapan ay resulta ng kabiguan ng pamahalaan na tugunan ang masamang epekto ng pandemya sa ekonomiya na naging sanhi ng mabilis na pagtaas ng inflation rate ma naitala sa 4.9% noong nakaraang buwan ng Abril 2022.
Kumbinsido din si Africa na hindi sasapat ang wage hike na ipapatupad ngayong linggo upang maibsan ang kahirapan bunsod ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Ganito karami ang nagsasabing mahirap o borderline sila dahil sa pagbagsak ng hanapbuhay at pagsara ng daang-libong negosyo bunga ng masyadong paggamit ng lockdowns para kontrolin ang pandemya. Hindi ito nare-resolba kahit na sa sinasabing pag-reopen ng ekonomiya. Lalung pahirap ang pagbilis ng inflation nitong mga nakaraang buwan,” ayon pa kay Africa.
Unang ipinanalangin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang kalagayan ng mga pamilyang nakakaranas ng labis na kahirapan ng dahil sa pandemya.
Upang tugunan ang kahirapan, inilunsad ng Caritas Manila ang ibat-ibang programa upang matulungan ang mga pamilya at indibidwal na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa higit 2-bilyong pisong pondo ang ipinamahagi ng Caritas Manila sa kanilang pandemic relief response sa ibat-ibang bahagi ng bansa bukod pa ang pandemic response ng mga institusyon, congregations, dioceses at archdioceses ng Simbahang Katolika sa mga pamilyang naghihikahos.