583 total views
Naniniwala ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na kinakailangan ng sambayanang Filipino ang mga pinuno na magpapatupad ng dignity-based governance.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ito ay pagkilala ng mga pinuno sa kanilang kapwa bilang mga kapatid.
“Kinikilala mo dito na ang tao ay anak ng Diyos at bilang anak ng Diyos kapatid natin ang ating kapwa tao. Kaya sa ‘yong gagawin na paglilingkod, isasaalang-alang mo ang totoong kapakanan ng kapatid natin. At ibibigay mo bilang pinuno ang kung anong nararapat na ipagkaloob sa kapatid natin,” ayon kay Fr. Secillano sa programang Veritasan ng Radio Veritas.
Binigyan diin ni Father Secillano na bilang pinuno ay nararapat lamang na ang gagawing paglilingkod ay para sa kapakanan at kabutihan ng kaniyang kapwa.
“So, what is meant by dignity-based governance, ako po halimbawa bilang isang tao ay dapat nakapag-aaral, may seguridad sa pagkain, basic needs natatanggap ko. So, ito ay naipagkakaloob po ba ng pamahalaan? Sila po ang nangangalaga ng resources at public funds ibigay sa taong bayan ang dignified living conditions.”pahayag ng Pari
Ipinaliwanag ng pari sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan sa tamang pamamahala upang ang bawat isa ay makinabang sa mga benepisyo sa edukasyon, trabaho at mga pangunahing pangangailangan.
Sinabi pa ng pari na ang mga pinuno ng bayan ay kinakailangang kumikilala sa karapatan at nagbibigay pagpapahalaga sa kalagayan ng mamamayan.
Patuloy namang panawagan ng CBCP sa 67 milyong botante na suriing mabuti ang mga kandidato na siyang magbibigay ng tuon sa kabutihan hindi lamang ng iilan kundi para sa lahat.
Inaanyayahan din ng Radio Veritas ang mga botante na makinig at manood sa one-on-one interview sa mga kandidato sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo at mga Senador sa Catholic E-Forum mula Lunes hanggang Biyernes ganap na alas-otso hanggang alas-diyes ng umaga.
Ang Catholic E-Forum ay bahagi ng voters education na OneGodly vote ng Archdiocese of Manila at Radio Veritas para gabayan ang mga botante sa paghalal ng karapat-dapat na pinuno ng bansa sa ika-9 ng Mayo 2022.