1,105 total views
Mga Kapanalig, sa kasagsagan ng pandemya at ng mahigpit na quarantine protocols—na unti-unti na ngang lumuluwag ngayon—hindi lamang mga estudyante ang nahihirapan. Mabigat na hamon din ang hinaharap ng mga guro dahil hindi lamang pagtuturo sa mga estudyante ang kailangan nilang tutukan. Sila rin ang nagpapa-print at namamahagi ng mga modules, gumagawa ng mga learning materials para sa online classes, at nag-aasikaso ng mga administrative na gawain sa paaralan. Ang nakalulungkot, wala pa mang pandemya, idinadaing na ng mga guro ang katiting nilang sahod para sa dami ng kanilang trabaho. Ngayong unti-unti nang binubuksan ang mga paaralan, may dagdag-pasanin na naman ang mga guro.
Kanya-kanyang diskarte ang maraming guro sa mga pampublikong paaralan upang ihanda sa pagbabalik ng mga estudyante ang mga kanilang silid-aralan. Ayon sa grupong Teachers’ Dignity Coalition (o TDC), may mga pagkakataong kailangan pa nilang mag-solicit mula sa mga private donors at mag-abono gamit ang sarili nilang pera para lang bunuuin ang mga kagamitang kailangan nila sa pagbabalik ng face-to-face classes. Mayroon din daw umuutang pa ng pambili ng pintura, yero, at iba pang materyales para sa pagpapaayos ng mga silid-aralan.
Hindi naman itinanggi ng Department of Education (o DepEd) na may mga gurong gumagawa ng mga bagay na lampas sa trabahong inaasahan sa kanila para sa pagpapaayos at pagpapaganda ng mga classroom. Dahil dito, pinayuhan ng DepEd ang mga guro na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga school heads para daw ipa-reimburse o maibalik ang kanilang mga ginastos. Ngunit duda ang TDC na mangyayari ito dahil wala raw silang natatanggap na ulat na may nakakuha ng sinasabing reimbursement kahit noong mga nakalipas na panahon pa. Paliwanag pa ng TDC, kalimitang probema pa raw ng school principal kung saan kukuha ng pondo dahil limitado rin ang budget para sa kanilang maintenance and other operating expenses (o MOOE).
Hindi sa dapat isumbat ng mga guro ang kanilang mga ginagawang trabaho, pero hindi rin dapat samantalahin ng pamahalaan ang paggamit ng mga guro ng sarili nilang pera para sa paghahanda ngayong balik-eskwela. Bukal man sa kalooban ng mga gurong maglabas ng sariling pera, sinasalamin nito ang kakulangan ng pagbibigay-pansin ng pamahalaan sa mga isyung kinahaharap ng pampublikong paaralan. Malinaw na obligasyon ng Estado na tugunan ang mga problema at kakulangan sa mga pampublikong paaralan. Kaakibat din nito ang tamang pagpapasahod sa mga guro at pagbibigay sa kanila ng nararapat na mga benepisyo bilang pagkilala sa malaki nilang kontribusyon sa edukasyon ng mga batang Pilipino.
Sa sektor ng edukasyon, ang mga guro ang mga manggagawang dapat na pahalagahan, at malinaw sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng paggawa upang maitaguyod ang dignidad ng tao. Mahalaga ang paggawa para sa kaunlaran ng tao nang makamit niya at ng kanyang pamilya ang kanilang mga pangangailangan. Paraan din ang paggawa na makapag-ambag ang bawat indibidwal ng kanyang mga galing at talino tungo sa common good o kabutihang panlahat. Samantala, tungkulin ng pamahalaang bumuo at magpatupad ng mga patakaran at programang magtitiyak na tama at sapat ang sahod ng mga manggagawa, at maayos ang kanilang kalagayan. Gaya ng wika sa Levitico 19:13, hindi dapat ipinagkakait sa mga manggagawa ang nararapat para sa kanila.
Mga Kapanalig, ibsan sana ng pamahalaan ang pasanin ng mga gurong tagahubog ng kaisipan ng ating kabataan. Hindi na dapat nababaling ang kanilang lakas at sariling pera para punan ang mga pagkukulang ng pamahalaan. Kilalanin dapat ng pamahalaan ang dignidad ng mga guro sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng makataong pasahod at mga benepisyo, pag-alam kung paano mapabubuti ang kanilang kalagayan, at makahulugang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapaunlad ng pampublikong edukasyon.