2,139 total views
Hinimok ng Philippine National Police ang International Criminal Court na igalang ang kalayaan at kilalanin ang justice system ng Pilipinas.
Ayon kay PNP Chief General Rodolfo Azurin, Jr., na ang bansa ay mayroong epektibong criminal justice system upang matugunan ang anumang ulat ng human rights abuses sa anti-illegal drug campaign ng pamahalaan.
“As the PNP has always maintained, that the Philippines has a robust, efficient, and functioning criminal justice system with active legal proceedings and remedies available to address any claim of human rights abuses in the governments’s anti-illegal drug campaign,” pahayag ni Azurin.
Paliwanag ni Azurin na ito’y napatunayan sa patuloy na imbestigasyon sa lahat ng mga pagpaslang at kasong may kaugnayan sa droga sa ilang kawani ng pamahalaang sangkot sa mga krimen.
Dagdag pa ng hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na mayroon ding mga kaso ng administratibo ang hawak ng PNP Internal Affairs Service at mga kasong nakasampa sa korte laban sa mga drug personalities.
Pangako naman ng PNP ang pakikipagtulungan sa Department of Justice para sa maayos na imbestigasyon sa mga opisyal ng Pulisya na napatunayang may kakulangan hinggil sa anti-illegal drug operations.
“The PNP is fully cooperating with the Department of Justice in reviewing cases involving police personel found liable for lapses on police operational procedures in anti-illegal drugs operations,” dagdag ng opisyal.
Una nang nagpahayag ng pakikiisa ang ilang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagbubukas ng ICC investigation sa mga kaso ng pagpaslang upang mapanagot ang mga nagkasala.
Sa tala ng iba’t ibang human rights group, hindi bababa sa 20-libo katao ang naitalang napatay na may kaugnayan sa war against drugs ng pamahalaan.