858 total views
Mga Kapanalig, ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ipinagdiriwang natin ang kakayahan, karapatan, at kapakanan ng kababaihan.
Suportado ng pagtuturo ng Simbahan ang kakayahan, karapatan, at kapakanan ng kababaihan. Si Kristo mismo, sa kaniyang pakikitungo sa kababaihan, ay kumilala sa kanilang dangal at paggiging pantay sa kalalakihan.
Sabi ni Papa Pablo VI sa kaniyang talumpati sa kababaihan noong pagtatapos ng Second Vatican Council noong 1965: “Ipinagmamalaki ng Simbahan ang kaniyang pagbibigay-puri at pagbibigay-dangal sa kababaihan, at sa paglipas ng mga dantaon, sa iba’t-ibang aspeto, ang kaniyang paglilinaw sa batayang pagkakapantay ng kababaihan sa kalalakihan. Ngunit darating ang oras, at ito na nga’y dumating na, na ang bokasyon ng kababaihan ay ganap nang matutupad, ang oras na aangkinin ng kababaihan ang isang antas ng impluwensiya, bisa, at kapangyarihan sa daigdig na hindi pa niya kailanman nararating.”
Ayon sa Acts and Decrees ng Second Plenary Council of the Philippines o PCP-II, tungkuling tutulan ng Simbahan sa Pilipinas ang lahat ng uri ng diskriminasyon, pang-aabuso, at di-makataong paggamit sa kababaihan. Sa kanilang “Pastoral exhortation on the Philippine economy” noong 1998, hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang estado na itaguyod ang pagkakapantay-pantay at pakikipagtulungan ng kababaihan at kalalakihan bilang tagapaglikha at tagapagpakinabang sa kaunlaran.
Kaya’t dapat ikagalak ng Simbahan ang pangako ng administrasyong Duterte na ganap nitong ipatutupad ang Magna Carta of Women, batas na nagsisikap itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan. Maaari ring ikagalak ng Simbahan ang ilang legislative priority ng administrasyon. Ayon sa listahan ng Philippine Commission on Women, itinutulak ng administrasyon ang mga panukalang batas na magpapalakas sa mga probisyon ng Republic Act 8353 o ang Anti-Rape Law o batas laban sa panggagahasa at iba pang mga batas laban sa sekswal na pang-aabuso at panggigipit o sexual harassment. Tututukan din daw ng administrasyon ang pagpapalawig ng maternity leave sa pamahalaan at pribadong kompanya, pagpapalakas ng pakikilahok at pagrerepresenta sa kababaihan sa pulitika, at pagtataguyod ng karapatan sa buhay at kaligtasan ng mga asawa at anak na babae. Kasama rin sa prayoridad ng administrasyon ang isang Magna Carta ng manggagawa sa impormal na ekonomiya, na karamihan ay kababaihan.
Ngunit mga Kapanalig, minsan tila sinasalungat ang legislative agenda na ito ng mga pananalita ng pangulo mismo ukol sa kababaihan. Pinakamenor na rito ang paboritong mura ng pangulo, na tumutukoy sa ina ng kaniyang minumura. Ang ganitong pananalita ay pagyurak hindi lamang sa dangal ng minumura, kundi sa dangal ng babaeng nagsilang nito. Kung ang murang ito ay ginagamit ninyo, isipin ninyo ang implikasyon sa inyong mga ina sakaling ang ganitong mura ay inilapat sa inyo.
May pananalita rin ang pangulo na tahasang lumalabag sa dangal ng kababaihan. Halimbawa, ibinida niyang sinisilip niya ang tuhod ng pangalawang pangulo, kaya hindi siya makapag-focus sa mga pulong ng gabinete. (Isa kayang dahilan iyon kung bakit ipinagbawal niyang dumalo sa gabinete ang pangalawang pangulo?) Ibinababâ ng ganitong pananalita ang halaga ng babae sa kanilang pangangatawan. Minamaliit nito ang mahahalaga nilang kontribusyon sa maraming larangan. Maituturing din itong isang uri ng sexual harassment.
May nagsasabing hindi mahalaga ang binibitiwang salita ng pangulo. Ang mas mahalaga raw ay ang ginagawa ng kanyang administrasyon. Ngunit ang isang taong kasing-makapangyarihan ng pangulo ay may impluwensiya sa paghubog ng pananaw ng mamamayan, lalo na ng kabataan. Kung ganito magsalita ang pangulo tungkol sa kababaihan, hindi mababago ng anumang batas ang mababang pagtingin ng madla sa kababaihan.
Mga Kapanalig, suportahan natin ang mga panukala, patakaran, at programa ng administrasyong Duterte na tunay na nakabubuti sa kababaihan. Ipagdasal rin nating matupad ng pangulo at ng kaniyang administrasyon ang kanilang pangakong iangat ang kalagayan ng kababaihang Pilipino, sa salita man o sa gawa.
Sumainyo ang katotohanan.