539 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiriwang tuwing unang linggo ng Oktubre ang “Linggo ng Nakatatandang Pilipino” o ang “Elderly Filipino Week.” Espesyal na panahon ito upang bigyang-pugay ang natatanging papel ng mga nakatatanda. Dito sa Pilipinas, tinatayang mahigit 7 milyon ang 60 taóng gulang pataas o mga senior citizens.
Ngayong taon, ang tema ng pagdiriwang ay “Pagmamahal at Respeto ng Nakababata, Nagpapaligaya sa mga Nakatatanda”. Angkop na angkop ang tema sa kalagayan ng ating mga nakatatandang nahaharap sa maraming mga pagsubok habang tinatahak nila ang tinatawag na dapithapon ng kanilang buhay. Dala na rin ng kanilang edad, marami sa kanila ang may iniindang sakit. Sa panahon ngayon kung saan mas gusto ng mga employer ang mga mas mabata at malakas, ang mga nakatatandang hindi na kayang makapaghanapbuhay ay nakararanas ng kahirapan. At mukhang taliwas na sa sinasabing pinapahalagahan nating mga Pilipino ang ating mga nakatatanda ang bilang ng mga pinapabayaan o inaabuso sa kanilang mga pamilya, kaanak, o kahit sa mga institusyong tinutuluyan nila.
Sa isang pakikipagpulong sa Pontifical Academy for Life sa Roma noong 2014, sinabi ni Papa Francisco na bagamat mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na kalusugan, hindi ito ang tanging batayan ng halaga ng isang tao. Ang pinakamatinding hirap na nararanasan ng mga matatanda ngayon ay hindi ang panghihina ng kanilang katawan o ang pagkabalda na sanhi ng kanilang pagtanda, kundi ang pagpapabaya, pagsasasantabi, at kawalan ng pagmamahal sa kanila.
Dito sa Pilipinas, nakararanas ang mga nakatatanda ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso at kalupitan—pisikal, sikolohikal, pinansiyal, at pagsasabi ng masasakit na salita laban sa kanila. Marahil may mga kilala tayong nakatatandang hindi na inaasikaso ng kanilang mga kaanak kahit sila ay may sakit dahil pabigat sa pamilya ang tingin sa kanila. May mga kaso ring sapilitang kinukuha ang kanilang pera, o sinasaktan at minumura kapag sila’y nagkakamali. Kamakailan, may nabalitang isang matandang may sakit sa pag-iisip ang nilagyan ng kulyar ng aso o dog collar sa kanyang leeg upang hindi raw magpagala-gala sa kanilang lugar. Sa isang pag-aaral ng UP National College of Public Administration and Governance, nakitang ang madalas na nang-aabuso sa mga matatanda ay mga mismong kapamilya nila—anak, asawa, at kahit mga apo. Marami sa mga pang-aabusong ito ay hindi na ipinararating sa kinauukulan gaya ng pulisya dahil sa takot na saktan pa sila lalo. Ipinapasa-Diyos na lang daw ng nila ang lahat.
Bilang mga Kristiyano, tayo ay may pananagutan sa ating kapwa, lalo na sa mga pinakamahihina at isinasantabi ng lipunan, kabilang ang mga nakatatanda. Sa kanyang apostolic exhortation na Familiaris Consortio, sinabi ni Pope John Paull II na bahagi ng pastorál na gawain ng Simbahan—tayo po iyon, mga Kapanalig—na alamin, kilalanin, at pagyamanin ang papel ng mga nakatatanda sa ating lipunan at lalung-lalo na sa ating pamilya. Bitbit ang mahaba at malalim na karanasan sa buhay, binibigyang-linaw ng mga nakatatanda ang mga pinahahalagahan o values natin bilang mga tao.
Kaya’t mga Kapanalig—lalo na sa mga may nakatatanda sa inyong pamilya—panahon na upang tayo naman ang mag-alaga sa ating mga matatandang magulang, silang mga nag-aruga, nagpakain, nagpaaral, at patuloy na nagmamahal sa atin. Sa kanilang katandaan, huwag natin silang kalimutan o pabayaan. Patuloy natin silang pasalamatan at kalingain habang sila’y nabubuhay, dahil kung wala sila, wala rin tayo ngayon. Para sa ating mga kabataan, igalang natin ang mga nakatatanda at ituring silang para na rin nating mga magulang.
May matamis na pangako ang Diyos sa mga may pagmamahal sa mga nakatatanda. Alalahanin lagi ang ikaapat na utos: “Igalang mo ang iyong ama at ina, nang sa gayo’y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na iyong Diyos.”
Sumainyo ang katotohanan.