451 total views
Ihalal ang mga pinunong tutulungan ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura at susulong ng mga inisyatibong magpapaunlad sa sektor.
Ito ang panawagan nina Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo at Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud sa paggunita ng ‘National Farmers and Fisherfolks Month‘ ngayong Mayo na nagsimula sa bisa ng Proclamation No.33 noong 1989 sa ilalim ng pamumuno ng dating Pangulong Corazon Aquino.
Ayon kay Bishop Pabillo, mahalagang maihalal ang mga lider na batid ang mga suliranin na kinakaharap ng sector.
Hinimok din ng Obispo ang lahat na ipanalangin kay San Jose at San Isidro Labrador ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura upang mapabuti ang kanilang kalagayan na apektado narin ng ‘Climate Change’.
“Pero masisipag ang mga mangingisda at magsasaka sa atin. Matiyaga sila sa trabaho at malapit din sila sa Diyos. Mahigpit ang kapit nila sa Diyos. Ipagdasal din natin sila lalu kay kay San Jose na Manggagawa at kay San Isidro Labrador, ngayon election iboto natin ang mga kandidato na alam ang kanilang kalagayan at may push para sa kanila. Kailangan nila ang suporta ng pamahalaan. Magugutom tayo kung wala sila!,” pahayag ni Pabillo sa Radio Veritas.
Apela naman ni Bishop Bancud sa mamamayan higit na sa pamahalaan, mga partylist at opisyal ng gobyerno na kumakatawan sa sektor na ipatupad ang mga batas, programa at inisyatibong magiging karagdagang agapay para sa mga magsasaka at mangingisda.
“Para sa mga magsasaka at mangingisda maraming salamat sa inyong mga pagsusumikap na mapaunlad ninyo ang pangkabuhayan sa ating lipunan at sa bandang huli ang bunga ng mga pagsusumikap na ito ay ang inyong mga pamilya ang magtatamasa,” ayon din sa mensaheng ipinadala ng Obispo sa Radio Veritas.
Umaasa si Bishop Bancud na gamitin din ng bawat mananampalataya ang kanilang boses upang mapalakas ang pananawagan ng tulong sa mga manggagawa ng sektor na nakaranas na ng ibat-ibang suliranin na dulot ng pandemya, African Swine Fever, Agricultural smuggling, at Avian Influenza o birdflu.
“Ang boses ng bawat isa sa atin ay kailangang marinig. Dito sa ganitong sitwasyon, tayo ay isinusugo ng Poong Maykapal upang dito rin natin maipapangibabaw at mapapatingkad ang Mabuting Balita ng Panginoon,” pagbibigay diin pa ni Bishop Bancud
Batay sa tala, tinatayang nasa 10-milyon ang bilang ng mga Muslim sa Pilipinas kung saan mayorya ay mga Katoliko.