7,630 total views
Nananawagan sa San Miguel Corporation (SMC) ang Simbahang Katolika sa Pilipinas at stakeholders ng kumpanya na ihinto na ang pamumuhunan sa fossil fuels at lumipat na sa renewable energy.
Sa pamamagitan ng Caritas Philippines, nagkaisa ang mga mga kasapi, iba’t ibang organisasyon, at social action centers ng simbahan, at stakeholders ng SMC upang hikayatin ang kumpanyang makiisa sa layunin ng Paris Agreement at labanan ang epekto ng umiiral na climate crisis.
“We, members of the Catholic Church and stakeholders of San Miguel Corporation (SMC), urge San Miguel Corporation to take concrete and significant steps to align with the Paris Agreement, particularly by moving away from fossil fuels and transitioning to renewable energy,” ayon sa pahayag.
Binigyang-diin sa pahayag na patuloy na pinalalawak ng kumpanya ang coal power plants at fossil gas operations, partikular na sa Verde Island Passage na itinuturing na “center of the center of marine shore fish biodiversity” sa buong mundo.
Magugunita naman ang naganap na oil spill kung saan sangkot ang kumpanya, sa Oriental Mindoro noong February 2023 at sa Bataan noong July 2024, na nagdulot ng labis na pinsala sa kapaligiran, kabuhayan ng libo-libong mangingisda, at kalusugan ng mga pamayanan.
“These developments show the damages of the environment, livelihood, and health brought by SMC’s fossil fuel expansion. We, members of the Church, who have a responsibility towards our Common Home, are saddened that the resources we have entrusted to the company are being used to fuel such destruction,” saad ng mga kasapi ng simbahan at stakeholders ng korporasyon.
Hinihikayat naman ang nasabing multinational conglomerate na maglunsad ng mga plano upang makiisa sa pandaigdigang layuning mapanatili ang temperatura ng mundo ng mas mababa sa 1.5-degrees Celsius, at magdesisyon na talikuran ang mga fossil fuel asset at mamuhunan sa mas malinis na enerhiya.
Hinihiling din ang pagiging tapat at malinaw ng SMC sa pamamahala sa mga kaakibat na panganib ng fossil fuel projects, at ang pagtugon sa “Net-Zero commitment”.
Muli namang nanindigan ang simbahan sa pangakong pagtalikod sa mga korporasyon at financial institutions na bigong makalikha ng mga polisya alinsunod sa Paris Agreement.
“We, members of the Church and shareholders of the corporation, urge the company to take the right steps and act according to its capability to contribute to protecting Our Common Home, as this is the only way we can ensure global solidarity and social justice,” giit ng pahayag.
Taong 2019 nang magkasundo ang mga obispo sa Pilipinas na mag-divest sa mga negosyo at proyektong gumagamit ng marumi at mapaminsalang enerhiya. Higit pa itong pinaigting ng CBCP noong 2022, at hinikayat ang paghinto sa pamumuhunan sa maruming industriya, at sa halip ay ilaan sa pagpapaunlad ng renewable energy sector.
Kabilang sa mga lumagda at nakiisa sa panawagan ang pitong shareholders kabilang ang Archdiocese of Manila at Diocese of Imus, at 76-stakeholders na kinabibilangan ng mga social at ecology arm ng iba’t ibang diyosesis sa buong Pilipinas.