408 total views
Nananawagan si San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza sa tuluyang pagsasantabi sa paggamit at pamumuhunan sa fossil fuel.
Ayon kay Bishop Alminaza, vice-chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace na sa kabila ng mga nangyayaring kalamidad ay tila hindi nababahala ang mga malalaking kumpanya sa epekto ng fossil fuel sa kapaligiran.
Tinukoy ng Obispo ang San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang na bagamat itinigil na ang coal fired power plant sa ilang bahagi ng bansa kabilang na sa Davao Occidental, subalit pinalitan naman ito ng planta ng liquified natural gas (LNG) na isa ring fossil fuel.
“Totoo nga na among the fossil fuel na coal, oil at gas, ang gas ang mas pinaka-less na dirty. Pero ang ginagamit nila na term ay the cleanest of the fossil fuel. So, parang play of words din ‘yun pero fossil fuel pa rin ‘yun,” ayon kay Bishop Alminaza sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Alminaza na maliban sa hindi renewable energy, hindi rin ipinababatid ng SMC na ang fossil fuel ay naglalabas ng methane na mapanganib sa kalikasan at kalusugan ng mga tao.
Ibinahagi rin ng Obispo na ang Negros Island ay maituturing na renewable energy (RE) capital ng bansa maging sa Southeast Asia dahil dito matatagpuan ang dalawang solar power fields at malaking geothermal power na aabot sa 97 porsyento ang nalilikhang RE mula sa isla.
Ngunit giit ni Bishop Alminaza na salungat pa rin ito dahil ang ginagamit na kuryente ng mga taga-Negros ay mula sa mga coal-fired power plant sa mga isla ng Panay at Cebu.
“We are not able to harness the very renewable energy that we are producing,” giit ng Obispo.
Panawagan naman ng opisyal ng CBCP sa pamahalaang panlalawigan at iba pang lokal na pamahalaan ng Negros Island na paigtingin pa ang pagsusulong sa paggamit ng malinis na enerhiya upang mas mapakinabangan pa ng marami.
“Ingatan natin ang ating kalikasan, ang ating common home kasi that’s the only one we have. No planet B. Once it is destroyed talagang wala. And we have experiences already to prove that we are in a planetary crisis,” saad ni Bishop Alminaza.