29,958 total views
Inaanyayahan ng Office for the Promotion of New Evangelization (OPNE) ng Archdiocese of Manila ang mananampalataya sa ika-10 anibersaryo ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE).
Ayon kay OPNE Director Fr. Jason Laguerta mahalaga ang sama-samang paglalakbay bilang pamayanang kristiyano ayon sa panawagan ng Santo Papa Francisco na synodality.
Sinabi ng pari na pagninilayan sa unang dekada ng PCNE ang temang ‘Salya: Let us cross to the other side’ na hango sa ebanghelyo ni San Marcos kabanata apat talata 35.
Dagdag pa ni Fr. Laguerta na ito ay alinsunod din sa Traslacion Roadmap ng arkidiyosesis na unang inilunsad noong Abril na layong magiging gabay sa patuloy na paglilingkod sa kristiyanong pamayanan.
Ang ‘roadmap’ ay hango sa Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kung saan ayon kay EDSA Shrine Rector at RCAM Public Affairs Ministry Commissioner Fr. Jerome Secillano ito ang hakbang ng arkidiyosesis na matulungan ang simbahan ng Maynila sa mga pagbabagong gagawin upang maisaayos at mapabuti ang paglilingkod sa mahigit tatlong milyong mananampalataya.
Isasagawa ang PCNE 10th conference sa January 19 hanggang 21, 2024 sa University of Santo Tomas.
Inaasahan ang pakikibahagi ni Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle ang Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization sa pagtitipon kasama ang ilan pang opisyal ng Vatican.
Unang isinagawa ang PCNE noong 2013 sa pangunguna ni Cardinal Tagle na noo’y ang arsobispo ng arkidiyosesis bilang tugon sa panawagang New Evangelization ng simbahang katolika.