1,067 total views
Opisyal ng nanumpa bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isinagawang inauguration sa National Museum of Fine Arts ganap na alas-dose ng tanghali ngayong araw ika-30 ng Hunyo, 2022.
Pinangunahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagbabasa ng Joint Resolution of the Joint Congressional Board of Canvassers na nagpoproklama kay Marcos at Sara Duterte bilang mga bagong halal na pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas batay sa naganap na 2022 National and Local Elections noong ika-9 ng Mayo, 2022.
Sa opisyal na datos ng Joint Resolution of the Joint Congressional Board of Canvassers, nakakuha ng 31,629,783 na boto si Marcos.
Nanumpa sa katungkulan si President Marcos Jr. bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo saksi ang kanyang pamilya, mga opisyal ng pamahalaan, mga diplomats at mga ambassador mula sa iba’t ibang bansa.
Tumagal ng 25-minuto ang inaugural speech ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kung saan nagpaabot ito ng pasasalamat sa lahat ng mga bomoto at nagtiwala sa kanya.
Tiniyak nito ang paglilingkod ng tapat para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Umapela naman ng tulong at pakikiisa ssa bawat Pilipino si Marcos Jr. upang kanyang ganap na magampanan ang kanyang tungkulin para sa bayan.
“I was not the instrument of change you were that, you made it happened. I am now, you picked me to be your servant to enable changes to benefit all. I fully understand the gravity of the responsibility that you’ve put on my shoulders, I do not take it likely but I am ready for the tasks. I will need your help I want to rely on it but rest assured I do not predicate success on the wide cooperation that’s needed, I will get it done,” talumpati ni President Marcos Jr.
Ibinahagi ni Marcos Jr. na kaisa siya ng sambayanang Pilipino sa pangarap na pagkakaroon ng mapayapa, maunlad at magandang kinabukasan sa bansa.
“Sa pangarap na maging mapayapa ang ating bansa, ang pangarap niyo ay pangarap ko; sa pangarap na maging maunlad ang ating bansa, ang pangarap niyo ay pangarap ko; at sa pangarap na mas maging masinag ang kinabukasan natin at ng ating mga anak ang pangarap niyo ay pangarap ko,” dagdag pa ni Marcos Jr.
Tiniyak naman ni Marcos Jr. ang tuwinang pagsasapuso at pagsasaisip sa tiwala at responsibilidad na kaakibat ng boto ng bawat mamamayang Pilipino noong nakalipas na halalan.
Ayon kay Marcos Jr. hindi dapat na matakot o mangamba ang bawat isa sapagkat tuwinang magiging kaakibat ng kanyang mga gagawing desisyon sa pamamahala sa bansa ang pangako ng paglilingkod ng tapat para sa bansa.
“You will not be disappointed so do not be afraid, with every difficult decision that I must make I will keep foremost in my heart and in my mind the depth of gratitude I owe you for the honor and responsibility that you have conferred on me. Whatever is in a person to make changes for the better of others I lay before you now in my commitment. I will try to spare you, you have your other responsibilities to carry but I will not spare myself from shedding the last bead of sweat or giving the last ounce of courage and sacrifice,” ayon pa kay Marcos Jr.
Una ng tiniyak ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang patuloy na pakikipagtulungan ng Simbahan sa pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ng bagong administrasyong Marcos para sa kabutihan at kapakanan ng taumbayan.
Ayon kay Caritas Philippines national director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, mahalaga ang principled cooperation ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang tiyakin ang pagkakaroon ng maayos at maunlad na buhay para sa bawat mamamayan Pilipino.